Home OPINION KALIGTASAN NG BUHAY KATUMBAS NG MATAPAT NA PAPERWORKS

KALIGTASAN NG BUHAY KATUMBAS NG MATAPAT NA PAPERWORKS

231
0

NAPAKAHALAGA ng paperworks sa usaping safety and health. Ang mga dokumento kasi ang basehan kung naipatutupad natin ng maayos ang mga nasa polisiya kompanya. Ang masaklap nga lang ay kung dinoktor o minanipula ito upang pumabor sa gusto o malinis na resulta.

Para sa iba, kapirasong papel lamang na dapat pirmahan ang mga ito katulad ng inspection checklist halimbawa. Mga pahinang minamadaling tapusin o kinokopya lamang ng paulit-ulit. Minsan nakakalimutan na ng iba ang tunay na layunin kung bakit kailangan itong pag-ingatan na ipatupad. Kaya tuloy lalong namemeligro ang isang kompanya dahil hindi nahahayag ang katotohanan at ugat ng problema.

Ang katapatan sa completion ng paperworks ay pundasyon ng ligtas na operasyon. Nagiging gabay ang mga ito upang makaiwas sa aksidente o sakit kapag tumpak ang hazard assessment, malinaw ang work permit, at totoo ang inspection records. Ang isang maling check kahit hindi naman aktwal na nasuri ay maaaring magbukas ng pinto sa panganib. Ang maliit na “palusot” sa papel ay pwedeng maging malaking kapahamakan at aberyang kahaharapin.

Mahalaga ring tandaan na ang paperworks ay hindi lang proteksyon ng kompanya, kundi ng bawat manggagawa. Kapag komprehensibo at tapat ang incident report, natututo ang organisasyon mula sa pagkakamali at nakagagawa ng tamang corrective actions. Kapag pinaganda o itinago ang detalye para makaiwas lamang sa kahihiyan o multa, lumalaki ang tyansa na maulit ang parehong panganib na kadalasan ay mas malala pa ang resulta kaysa una. Sa positibong pananaw, nagbibigay-daan ito sa pagkakaroon ng tamang desisyon, sapat na training, at wastong kagamitan.

Kaakibat ng moralidad ang usaping ito. Ang katapatan sa dokumentasyon ay reflection ng pagmamahal sa trabaho, pag-iingat sa sarili at pagmamalasakit sa kapwa. Hindi lamang ito pagsunod sa patakaran o pag-iwas sa parusa kundi isang pangako at tunay na paglilingkod ng isang mabuting empleyado. Sa bawat pag-apruba at pirma, ipinahahayag natin ang pananagutang mapanatili ang safety and health sa trabaho.

Ang katapatan sa paperworks ay katumbas ng seguridad at kalayaan sa anomang gusot o aberya. Dagdag pa rito ang kapayapaan ng ating isip, damdamin at kaluluwa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here