Home OPINION SIMULA NA ANG PANAHON NG TAG-INIT

SIMULA NA ANG PANAHON NG TAG-INIT

OPISYAL nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng panahon ng tag-init nitong Marso 26, 2025.

Sa pagtatapos ng pag-ihip ng hanging Amihan sa malaking bahagi ng bansa, naging basehan ng weather bureau ang pag-iba ng direksyon ng hangin mula sa hilagang-silangan patungong silangan dahil sa pagbuo ng High Pressure Area (HPA) sa Northwestern Pacific.

Pero paglilinaw ng PAGASA, maaaring makaranas pa rin ng paminsan-minsang pag-ihip ng hilagang-silangang hangin ang dulong bahagi ng Hilagang Luzon.

Kaya asahan na ang mas ma­tinding sikat ng araw sa buong bansa bagama’t possible pa rin ang pagkakaroon ng pulutong na pagkidlat at pag-ulan. Pero bago pa man ang opisyal na deklarasyon ng PAGASA, naranasan na ng maraming lugar ang maalinsangang panahon na kinakategorya bilang “da­nger” o init ng panahon na mula 42° degree Celsius hanggang 51° degree Celsius, habang ang “extreme caution” ay mula 33° degree Celsius hanggang 41° degree Celsius.

Noong 2024, naitala sa Guiuan, Eastern Samar, ang pi­nakamainit na temperatura na 55° degree Celsius o kategorya bilang “extreme danger” 52° degree Celsius at pataas.

Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na mag-ingat upang ma­kaiwas sa heat stress na nakapagdudulot ng heat stroke at kamatayan.

Para makaiwas sa delika­dong heat stroke na maaaring magdulot ng pinsala sa vital organs ng katawan o kaya naman ay pagkamatay, narito ang mga dapat palaging alalahanin –

– Magsuot ng “loosefitting” at “lightweight” na mga damit para maging magaan ang paki­ramdam ng katawan. Kung maaari ay iwasan ang mga dark color na damit, gumamit ng puti o pastel colors na malamig sa pakiramdam at sa mata.

– Protektahan ang balat mula sa sunburn kung hindi ma­i­iwasang lumabas sa kasagsagan ng init lalo na kung nasa swimming pool o tabing-dagat sa pamamagitan ng paglalagay ng broad-spectrum sunscreen bawat dalawang oras.

Makatutulong din ang pagsusuot ng malaking sombrero at sunglas­ses.
– Uminom ng maraming tu­big lalong-lalo na ng may yelo o malamig para bumaba ang na­raramdamang init ng katawan.

Iwasan muna ang soft drinks at iba pang may kulay na inumin.
Pagtitiyak ng weather bureau, patuloy nilang babantayan ang lagay ng panahon at klima gayundin ang posibleng epekto nito.

Sa website ng PAGASA ay regular ang paglalabas ng heat index para maging gabay ng mga kinauukulang ahensya at ng mga komunidad.