MAKARAANG sabihin ni ex-Pangulong Digong Duterte na nagsisibalikan ang droga sa bansa, agad na pinasinungalingan ito ng pamahalaang Marcos.
Sino kaya ang nagsasabi ng totoo?
Ang pinakamagandang gawin para malaman ang katotohanan dito ay ang magpunta sa barangay at makinig sa mga kwento ng mga mamamayan doon.
Ang totoo, dumarating din sa media ang mga balita mula sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa.
At dala-dala ng mga may pakpak na balita na may nagsasabi ng totoo at kasinungalingan sa magkabilang panig.
Sinasarili na nga lang ng mga mamamayan ang kanilang paniniwala sa kung sino ang nagsasabi ng totoo at kasinungalingan.
Sa mga malalayong lugar sa Metro Manila, nagigimbal ang mga barangay kapitan, kagawad at tanod na biglang may nire-raid ang mga pulis na mga kabarangay nila sa pagkakasangkot sa shabu, marijuana at iba pa.
Nagigimbal sila dahil deklarado nila ang kanilang mga barangay na drug-cleared.
Pagkatapos, eh, biglang may raid ang mga pulis?
Pagdating sa Metro Manila at mga lalawigang nakapalibot dito, nakasiper ang mga bibig ng mga taga-barangay makaraang sabihin nilang nagsibalikan na ang droga.
Paano ang ibang mga lugar?
Ang inyong peborit na diaryong Remate, mga suki, walang araw na hindi ito nagbabalita ukol sa pagkakaroon ng droga sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasama sa mga pinanggagalingan ng mga balita ang mga paliparang gaya ng Ninoy Aquino International Airport at Diosdado Macapagal International Airport ukol naman sa mga imported na droga.
Mga pulis din mismo ang nag-uulat ng mga operasyon nila laban sa droga at napasasakamay sa media ang kanilang mga ulat bilang tagumpay laban sa droga.
Ang problema nga lang, walang katapusang tagumpay ang kanilang iniuulat mula sa walang katapusan namang suplay ng droga at problemang kaugnay sa droga gaya ng pagpatay, rape, pagnanakaw at iba pa.
At may problema pa: Ayaw magsumbong ang mga taga-barangay sa mga pulis at sinasarili na lang ang kanilang nalalaman.
Hmmmm! O gets n’yo ba?