DAPAT maghanda ulit ang lahat laban sa bagong bagyo na si Marce.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, patungo ang bagyo sa norte at signal number 1 na ngayon sa ilang bahagi ng lalawigan ng Cagayan.
Ngunit apektado na rin ang Batanes, Cagayan at Babuyan Islands, Isabela, Ilocos Norte, Aurora, and parteng norte ng Quezon.
Bukas naman, tatamaan pa rin ang Batanes, Cagayan at Babuyan Islands, Isabela, Ilocos Norte, Aurora at Quezon ngunit madadamay na ang Ilocos Sur, Camarines Norte at Catanduanes.
Maaari umanong tatama sa dulong norte ang bagyo ngunit maaari rin sa Isabela, depende sa galaw ng iba’t ibang bagay na nagtutulak sa direksyon ng bagyo.
Ang isa pang mahalaga, magiging malakas na ang bagyo ngayon araw hanggang bukas.
Dahil dito, nagbabala na ang PAGASA sa maliliit na mangingisda na huwag pumalaot dahil aabot sa 3 metro ang taas ng mga alon sa mga apektadong lugar.
NASA DELIKADONG LUGAR MAGHANDA-HANDA NA
Habang tinitipa ito, hindi pa sinasabi ng PAGASA kung magkakaroon ng malakas na ulan si Marce.
Pero mabuti na ring paghandaan ang pagdating ng malakas na ulan para bumaha at lumilikha rin ng pagbitak ng mga lupa sa matataas na lugar upang magka-landslide.
Kaya naman, ‘yung mga lumubog na lugar nang dumating ang bagyong Kristine at Leon, dapat pa ring maghanda, gaya sa ilang lugar sa Kabikulan.
‘Yung may mga landslide gaya ng sa Batangas, maghanda-handa na rin at huwag maghintay na dadausdos ang mga lupa bago kumilos.
Kung tutuusin, dapat nang unahan ang anunsyo ng gobyerno baka abutin pa tayo ng disgrasya at sisihin ang gobyerno at iba pa at hindi ang ating mga sarili.
‘Yun bang === kung binaha tayo kay Kristine at nagland-slide din, aba, mag-isip-isip na kung paano lumayo at pumunta sa mga ligtas na lugar.
GALIT SA GOBYERNO
Sa Valencia, Spain na tinamaan ng matinding baha, pinagbabato ng putik at itlog ng mga tao ang kanilang hari na si Felipe at ang reyna na si Letizia at pinakamatataas na pinuno ng kanilang bansa sa pagkamatay na mahigit 200 sa baha at pagkasira ng marami nilang ari-arian, kasama ang mga bahay, sasakyan at hanapbuhay.
Sinisisi ng mga tao ang gobyerno sa 8-10 oras na pagkabalam sa pag-aanunsyo ng pagdating ng rumaragasang baha mula sa mga kabundukan at iba pang matataas na lugar.
Sa Pilipinas, walang nakikitang ganitong galit ng mga mamamayan sa gobyerno bagaman bantad ang katotohanang hindi nakikita ang mga epektibong anti-flood projects ng gobyerno na pinagkakagastusan ng P500 bilyon sa nakalipas na dalawang taon at ng P130 bilyon sa Kabikulan.
Sana nga hindi magagalit ang mga mamamayan sa kawalan nila ng makitang proyekto mula sa dambuhalang buwis na kanilang pinaghihirapan at sapilitang sinisingil sa kanila ng gobyerno.
Xxxxxxxxxxxxx
Lupa okt. 5
SINO ANG NAGSASABI NG TOTOO SA DROGA?
MAKARAANG sabihin ni ex-Pangulong Digong Duterte na nagsisibalikan ang droga sa bansa, agad na pinasinungalingan ito ng pamahalaang Marcos.
Sino kaya ang nagsasabi ng totoo?
Ang pinakamagandang gawin para malaman ang katotohanan dito ay ang pagpunta sa barangay at makinig sa mga kwento ng mga mamamayan doon.
Ang totoo, dumarating din sa media ang mga balita mula sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa.
At dala-dala ng mga may pakpak na balita na may nagsasabi ng totoo at kasinungalingan sa magkabilang panig.
Sinasarili na nga lang ng mga mamamayan ang kanilang paniniwala sa kung sino ang nagsasabi ng totoo at kasinungalingan.
Sa mga malalayong lugar sa Metro Manila, nagigimbal ang mga barangay kapitan, kagawad at tanod na biglang may nire-raid ang mga pulis na mga kabarangay nila sa pagkakasangkot sa shabu, marijuana at iba pa.
Nagigimbal sila dahil deklarado nila ang kanilang mga barangay na drug-free.
Pagkatapos, eh, biglang may raid ang mga pulis?
Pagdating sa Metro Manila at mga lalawigang nakapalibot dito, nakasiper ang mga bibig ng mga taga-barangay makaraang sabihin nilang nagsibalikan na ang droga.
Paano ang ibang mga lugar?
Ang inyong peborit na diaryong Remate, mga suki, walang araw na hindi ito nagbabalita ukol sa pagkakaroon ng droga sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasama sa mga pinanggagalingan ng mga balita ang mga paliparang gaya ng Ninoy Aquino International Airport at Diosdado Macapagal Internationa Airport ukol naman sa mga imported na droga.
Mga pulis din mismo ang nag-uulat ng mga operasyon nila laban sa droga at napapasakamay sa media ang kanilang mga ulat bilang tagumpay laban sa droga.
Ang problema nga lang, walang katapusang tagumpay ang kanilang iniuulat mula sa walang katapusan namang suplay ng droga at problemang kaugnay sa droga gaya ng pagpatay, rape, pagnanakaw at iba pa.
At may problema pa: Ayaw magsumbong ang mga taga-barangay sa mga pulis at sinasarili na lang ang kanilang nalalaman.
Hmmmm! O gets n’yo ba?