
ABALANG-ABALA na si dating Sen. Sonny Trillanes IV sa pag-ikot sa mga barangay bilang paghahanda sa kanyang muling pagtakbo sa paparating na midterm elections next year.
Sa pagkakataong ito, hindi senador o anomang posisyon sa nasyonal kundi puwesto sa lokal na pamahalaan ang tinatarget ng dating lider ng rebeldeng Magdalo group.
Nagsilbing senador mula 2007 hanggang 2019 pero natalo noong halalan ng 2022 sa malayong number 21 sa winning magic 12 na pinangunahan ng actor na si Robin Padilla.
Anoman ang dahilan ni Trillanes kung bakit sa lokal piniling tatakbo ay siya lamang ang nakakaalam pero ang malinaw na ‘di maitatago sa publiko ay kulelat ito sa senatorial surveys.
Sa atin lang, kung nabahag sa bagsak na numero sa pollster research kaya ‘di tatakbong senador, aba’y mas dapat siguro itong matakot sa susuunging laban sa pagka-alkalde ng Caloocan City.
Dahil kung pagbabasehan ang resulta, hindi basta “fly by night survey firms” kundi nang kilalang Social Weather Station, mistulang David and Goliath ang labanang Mayor Gonzalo Dale “Along” Malapitan versus Trillanes.
Sa latest survey ng SWS noong Hulyo, apat sa lima o 80% ng mamamayan ay gusto o nasisiyahan sa pangangasiwa o liderato ni ‘Along’ Malapitan.
Inilarawan ng SWS survey si Malapitan bilang natatanging “magaling na lider” na ang pamanahala’y “produktibo”, “nakakatulong”, “epektibo” at “malapit sa publiko”.
Ilang buwan ang nakakaraan bago ang July survey, ang alkalde ng Caloocan City ay nakapagtala nang mataas na 80% plus rating kumpara sa mababang six percent ng ex-mutiny leader.
Ang survey ay napakahalagang ‘tool’ para sa mga politiko dahil sa pamamagitan nito ay nagkakaroon sila ng ideya kung sila ba ay mananalo o matatalo sa eleksyon.
Sa Caloocan, ‘di maitatatwa sa mga batang “Kankaloo” na si Mayor along at 1st District Representative Oscar ‘oca’ Malapitan ang “arkitekto” ng ngayo’y progresibong estado ng lungsod.
Kaya sa ipinapakitang pambihirang suporta ng mga taga-Caloocan sa mag-ama, tila political ‘hara-kiri’ ang desisyon ni Trillanes na tumakbong alkalde ng lungsod sa darating na Mayo 2025 elections.
Si former Mayor Rey Malonzo ay kakandidatong kongresista sa unang distrito laban kay incumbent Rep. Malapitan. Pupulutin na naman ito sa kangkungan, sa malamang.