Home OPINION PAGBAWI SA KONTRATA NG ZAMCELCO KINONTRA

PAGBAWI SA KONTRATA NG ZAMCELCO KINONTRA

NAGING mainit ang ginanap na taunang pagpupulong ng Zamboanga City Electric Cooperative  matapos lumutang ang umano’y hangarin ni Zamboanga 2nd District Rep. Manuel Jose Dalipe na wakasan na ang kontrata ng kooperatiba dahil sa umano’y malaking pagkakautang.

Sa ginanap na ika-45 taunang pagpupulong ng ZAMCELCO, ninais ni Dalipe na wakasan ang kontrata sa pamamahala sa pagitan ng ZAMCELCO at Crown Investments Holdings, Inc., ang power distribution facility na nagpapatakbo ng kooperatiba mula noong 2018.

Kinontra ni Atty. Estrella Elamparo, abogado ng ZAMCELCO Board of Directors, ang nais ng mambabatas dahil hindi kasama sa agenda ang hakbang at binanggit pa ang batas na nagtatadhana na ang pamamahala, operasyon, at estratehikong pagpaplano ng mga electric cooperatives, ay dapat na ihiwalay sa lokal na pulitika.

Ayon naman sa Crown Investments Holdings Inc. , batay sa umiiral na constitution and by laws at kaayusan ng negosyo ang agenda sa pagpupulong.

Sinabi pa ng Crown Investments Holdings Inc. , kung may pagbabagong gagawin sa mga nakahanay na pagtalakay, dapat ay ginawa ito bago pa simulan ang pagpupulong.

Paniwala pa ng kompanya, tanging ang Board of Directors lang ng ZAMCELCO ang maaaring kumilos kung itutuloy o tatanggalin ang kontrata at tanging korte ng batas ang maaaring magdesisyon na ipawalang bisa ang kontrata.

Nilinaw ni Atty. Carl Rubio, legal counsel ng power consumers at nasa panig ng kampo ni Dalipe, nais nila ay isang resolusyong ipapasa na magwawakas sa kontrata at hindi ang agaran o awtomatikong pagbawi sa kontrata.

Tinanong din ni Dalipe kung totoo ba na may P4.6 bilyong utang ang ZAMCELCO sa Crown Investment Holdings at kung totoo bang may average system loss na 22 porsyento at monthly loss na P60 milyon dahil may natanggap siyang liham mula sa administrador ng National Electrification Administration. Nais, aniyang wasto ang datos ng ahensiya.

Sinabi ni Atty. Rommel Agan, chief management officer ng ZAMCELCO, ang P4.6 bilyon ay hindi umano kasalukuyang utang kundi ito ay babayaran sa pamamagitan ng power bill mula sa power supply na isa aniyang “accrual” na nakabatay sa accounting.

Dahil sa nasabing mga usapin, lumakas ang hinala ng mga mamamayan ng Zamboanga na gumaganda ang takbo ng negosyo ng elektrisidad sa lalawigan kaya’t may ilang nag-iinteres dito lalo’t  ang kasalukuyang namumuhunan ay hindi lehitimong residente ng rehiyon.