Home OPINION SOBRA NA, TAMA NA, IPAGPAG NA SI GEN. MARBIL

SOBRA NA, TAMA NA, IPAGPAG NA SI GEN. MARBIL

0
SOBRA NA, TAMA NA, IPAGPAG NA SI  GEN. MARBIL

KUNG peace and order ng Pilipinas ang pag-uusapan, hindi papasa ang kasalukuyang nakaupo bilang hepe ng Philippine National Police na si PGen Rommel Francisco Marbil. Bagsak ang gradong ibinigay sa kanya ng taumbayan na ramdam ang takot sa komunidad dahil sa pagtaas ng iba’t ibang klase ng krimen.

Kahit pa sabihin pilit iginigiit ng PNP lalo na ng public information office ng bawat pulisya na mas mababa ang crime rate ngayon kaysa noong nagdaang administrasyon, hindi pa rin mapasusubalian na maraming pangyayari na hindi katanggap-tanggap sa sambayanan sa ilalim ng pamumuno ni Marbil.

Tumaas ang kidnapping, ang bilang ng mga gumagamit at nagbebenta ng droga, lumala ang nakawan at higit ang patayan sa termino ni Marbil na dapat sana ay retirado na noong Pebrero 5, 2025 nang maabot ang retirement age na 56.

Gayunman, inihirit ng ilang malapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng ekstensyon si Marbil habang walang maipapalit sa kanya at hayaang tapusin nito ang halalan na gaganapin sa Mayo 12. Hunyo 12 ay tapos na ang ibinigay na ekstensyon kay Marbil.

Pero ano itong sinasabi ni Mon Tulfo na ayon sa kanyang reliable source ay humihirit pa ng ikalawang ekstensyon si Marbil. Ano? Alam ba o ramdam ba niya na isinusuka na siya ng mga kapwa niya pulis dahil sa mga maling pahayag niya kaugnay sa paggamit ng droga?

Kaya nga ang madalas na niyang paharapin sa media ay ang PNP spokesperson na si PBGen Jean Fajardo na siyempre ang alam lang ay bolahin at paikutin ang ulo ng mga mamamahayag. Ginagawa niyang engot ang mga miyembro ng media na “mas malalim” mag-isip kaysa sa kanila.

Panay-panay raw ang pagpapabango ng pangalan nitong si Marbil kay Pangulong Marcos at House Speaker Martin Romualdez upang makamit ang inaasam-asam.

Paano naman si PMGen Nicolas Torre III, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group, na ipinusta na ang kanyang career upang masungkit din ang inaasam-asam ng marami na maging PNP top cop? Si Marbil lang ba ang nakadidirekta kay Pangulong Marcos?

At unfair din ito kay PLtGen Jose Melencio Nartatez Jr., Deputy PNP Chief for Administration, na nagbigay daan na noong una kay Marbil. Ngayon ba naman ay masasapawan pa rin? Kung trabaho lang naman, talino at disiplina ang pag-uusapan, nakalalamang na itong si General Tateng.

Sana naman maisip ni PBBM na pabigat sa kanya si Marbil at walang naitulong upang pabanguhin ang kanyang pamunuan sa ngalan ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.

Sobra na, tama na. Iba naman. Tigilan na ni Marbil ang kanyang patuloy na pang-aapak sa deserving na pumalit sa kanya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here