Home NATIONWIDE Socmed ban sa 13-anyos pababa, pinasasabatas nina Dy, Sandro

Socmed ban sa 13-anyos pababa, pinasasabatas nina Dy, Sandro

4
0

MANILA, Philippines – Naghain ang mga lider ng Kamara ng panukalang batas na magbabawal sa mga batang 13 taong gulang pababa na gumamit ng social media at magpapataw ng multang aabot sa P50 milyon sa mga social media platform na mabibigong sumunod sa mga pamantayan sa online child safety.

Inihain nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang House Bill No. 9965 o Children’s Social Media Safety Act, walong araw matapos ang school shooting sa Tacloban City na kinasangkutan ng dalawang menor de edad na suspek.

“At its core, this bill recognizes that every child deserves a safe environment to grow, learn, and develop free from harm both in the physical and digital world. This bill adopts a clear age-based regulatory framework by imposing an absolute prohibition on the use of social media by children below 13 years of age, recognizing their heightened vulnerability and limited capacity to navigate digital risks,” nakasaad sa explanatory note ng panukala.

Inaatasan ng panukala ang mga social media platform na magpatupad ng age verification system, agad na alisin ang mga ipinagbabawal na account, at pigilan ang muling paggawa ng account ng mga batang sakop ng pagbabawal.

Papayagan lamang ang mga edad 13 hanggang wala pang 17 na gumamit ng social media kung may beripikadong pahintulot at tuloy-tuloy na pangangasiwa ng magulang o guardian. Inaatasan din ang mga platform na magbigay ng parental control tools, regular na beripikahin ang edad at pahintulot ng magulang, magpatupad ng pinakamahigpit na privacy settings, higpitan ang geolocation sharing at financial transactions ng mga menor de edad, at protektahan ang kanilang personal na datos.

Maaaring pagmultahin ng P5 milyon hanggang P50 milyon ang mga lalabag, habang ang paulit-ulit o seryosong paglabag ay maaaring humantong sa pansamantalang paghihigpit o pagbabawal sa operasyon ng platform sa Pilipinas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here