Home OPINION SSS COVERAGE TINIYAK PARA SA PINOY SEAMEN

SSS COVERAGE TINIYAK PARA SA PINOY SEAMEN

Sa paglagda ng SSS o Social Security System bilang bahagi ng binuong MITC o Maritime Industry Tripartite Council, tiniyak ni SSS President and Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet na may social security coverage ng lahat ng Filipino seafarers at maritime professionals, kung mayroon silang buwanang hulog sa SSS.
Pinapurihan din niya si Department of Migrant Worker (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa pangunguna para mabuo ang MITC na malaki ang magagawa para matugunan ang pangangailangan ng maritime employment sector at maseguro ang proteksyon sa mga marinong Filipino.
Pagseseguro ni PCEO Macasaet, handa ang SSS para magbigay ng financial assistance sa panahon ng kagipitan at pa­ngangailangan sa pamamagitan ng disability, sickness, maternity, unemployment, old age, funeral at death.
Sa kasalukuyan, nasa 350,000 ang miyembro ng SSS, habang nasa mahigit 600,000 ang kabuuang bilang.
Kaya inanyayahan din niya ang mga seafarer groups na hikayatin ang kanilang mga miyembro na maging SSS member para magamit nila ang mga serbisyo at benepisyo lalo na sa oras ng kagipitan.
Paliwanag ni PCEO Macasaet, kapag mayroong 120 kontribusyon ang isang marino ay sigurado na siya na makatatanggap ng buwanang pensyon na depende sa kanyang naihulog.
Maliban sa regular na benepisyo, maaari ring pakinaba­ngan ang mga loan program nito katulad ng salary at calamity. Mayroon ding karagdagang Employees’ Compensation Program kung dahil sa trabaho ang pagkakaroon ng karamdaman o pinsala na maaaring magresulta sa disability o pagkamatay.
Awtomatiko rin na pasok sila Workers’ Investment and Sa­vings Program (WISP) na isang compulsory provident fund para sa mga miyembro na mahigit sa Php 20,000 ang buwanang kinikita.
Sa panahon ng pagreretiro ay makukuha nila ang kanilang nailagak sa WISP kasama ng mga tinubo ng kanilang pera dahil ang SSS ay ginamit ito sa mga makabuluhang investment ara lumago.
Kung mahigit sa Php 100,000 ang naipong WISP, maaari nila itong makuha bilang lump sum at monthly pension na iba pa sa kanilang pensyon sa regular contribution. Kung mas mababa naman sa Php 100,000 ay lump sum nila itong makukuha.
Bukod dito, para lalo pang maseguro ang kinabukasan ng pamilya, mayroon ding voluntary retirement savings program ang SSS at ito ay ang WISP Plus. Maaaring maghulog dito ng hindi bababa sa Php 500 depende sa kagustuhan ng seafarer.
Ginagamit din ng SSS ang perang naiipon mula sa WISP Plus para sa mga pinapasok nitong investments na ang kinikita ay may bahagi ang miyembro.
Ang DMW ang siyang tumatayong chairperson ng council, at maliban sa SSS, bahagi rin ng government sector ang Department of Labor and Employment, Department of Foreign Affairs, Department of Health, Department of Transportation, Department of Information and Communications Technology, Commission on Higher Education, Philippine Health Insurance Corporation, Home Development Mutual Fund,at National Telecommunications Commission.
Binubuo naman ng mga sumusunod ang labor sector – Trade Union Congress of the Philippines, Associated Marine Officers and Seamen’s Union of the Philippines, International Seamen’s Mutual Labor Association, Mariners and Allied Transport Employees Union, Associated Philippine Seafarers Unions, Port Workers Union of the Philippines, Federation of Free Workers, at United Filipino Seafarers.