Home HOME BANNER STORY Sulat sa pagbawi ng ikalawang impeachment complaint vs VP Sara, ipinadala sa...

Sulat sa pagbawi ng ikalawang impeachment complaint vs VP Sara, ipinadala sa Kamara

166
0

MANILA, Philippines — Pormal nang isinumite sa tanggapan ni House Secretary General Cheloy Garafil ang liham para sa pagbawi ng ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang 17 complainants mula sa iba’t ibang civil society groups, kabilang si Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Aquino Dee, ay nagtungo sa Kamara kasama sina Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan party-list Rep. Percival Cendaña upang ihain ang dokumento.

Sa kanilang liham, sinabi ng grupo na binabawi nila ang ikalawang reklamo at susuportahan na lamang ang ikatlong impeachment complaint na inihain ng mga pari at abogado noong Pebrero 9, 2026, na inendorso rin ni De Lima.

“After careful deliberation and reflection, we request to withdraw our Complaint before the Committee on Justice and, instead, to lend our full support behind the Third Impeachment Complaint filed by Rev. Fr. Joel Saballa et al. dated 09 February 2026 and endorsed by Rep. Leila De Lima, which Complaint contains the same allegations and substantial evidence as our Verified Complaint,” anila.

Iginiit din ng grupo na nais nilang maiwasan ang anumang kuwestiyon sa petsa ng paghahain ng kanilang reklamo.

Ang ikalawang complaint ay inihain noong Pebrero 2, 2026, kaparehong petsa ng unang set ng reklamo, habang ang unang impeachment complaints ay inaksyunan noong Pebrero 5, 2025.

Ayon kay dating mambabatas at abogado na si Neri Colmenares, nagbigay-daan ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang unang set ng reklamo upang makapaghain muli ng panibagong complaint.

Ipinaliwanag niyang ayon sa SC ruling, dapat naipasok sa order of business ang unang reklamo noong Enero 14, 2025 at naipasa sa Committee on Justice pagsapit ng Enero 21, kaya maaari sanang makapaghain ng bagong reklamo noong Enero 16 pa lamang.

Sa kabuuan, apat na impeachment complaints ang nakabinbin laban kay Duterte, kabilang ang mga inihain ng Makabayan Coalition, civil society groups, lawyers at clergy, at ni Atty. Nathaniel Cabrera.

Ayon kay Committee on Justice chair at Batangas Rep. Gerville Luistro, sisimulan na ng komite ang pagtalakay sa sufficiency in form and substance ng apat na reklamo.

Halos magkakatulad ang mga alegasyon sa apat na complaint, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds at iba pang paglabag sa 1987 Constitution, ngunit tampok sa lahat ang testimonya ni Ramil Madriaga, dating aide ni Duterte.

Sa kanyang affidavit, hiniling ni Madriaga sa Office of the Ombudsman na imbestigahan si Duterte kaugnay ng umano’y pagdadala ng malaking halaga ng pera sa iba’t ibang indibidwal.

Wala pang pormal na imbestigasyon ang Ombudsman kaugnay nito. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here