MISMONG Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang nagsasabi na maaaring magiging super bagyo ang darating na bagyong si Fung-Wong o Uwan na ang ngalan pagpasok sa Philippine Area of Responsibility.
Bukas o Sabado, nasa PAR na ito at tumbok ang Central Luzon at Northern Luzon.
Dahil super bagyo at signal number 5, asahan na natin ang kasiraang idudulot nito.
Sa bilis ng hangin nito na magmumula sa 185 kilometro kada oras pataas, maraming mawawasak na mahihinang bahay, matutumbang poste ng kuryente at puno at kung nakatayo ka sa opena area, matatangay ka mismo.
Ang laking perwisyo niyan!
MAGHANDA SA ISTAYL TALISAY, ONDOY
Gaya ng nangyari sa Talisay, Cebu at mga karatig-pook, nakatatakot isiping lumubog ito sa bagyong Tino na isang number 4 lamang ngunit naging maulan dahil sa umiiral na rin na La Niña.
Hindi pa nating masabi kung mapapantayan nito ang ginawa ni bagyong Ondoy na kalupitan nang palubugin din nito ang halos Metro Manila at ilang bahagi ng mga karating na lalawigan ng Rizal, Laguna at Bulacan.
Ngunit mapantayan man ni Tino o hindi ang baha ni Ondoy na pumatay ng nasa nasa 500-600 katao at sumira ng bilyon-bilyong pisong ari-arian, pareho ang dalawa na nagpalubog sa baha nang lagpas sa bubong sa mga bungalow na bahay.
At naging mapaminsala nga si Tino at isang palatandaan dito ang pagkamatay ng mahigit nang 100 katao at missing na mahigit 100 din at pagkabaha ng nasa kalahating milyong tao.
Kaya naman, gayun na lang ang pinsala rin sa ari-arian na idinulot nito, kasama ang mga bahay, sasakyan, gamit sa mga negosyo, linya ng kuryente at telepono, produktong agricultural at marami pang iba.
PAANO ANG KAY UWAN?
Lumilitaw na daraanan pa rin ni Uwan ang Kabisayaan ngunit mula sa Samar patungong Timong Katagalugan, Metro Manila at Central Luzon at malaking bahagi ng Norther Luzon…kung hindi ito magbabago ng direksyon.
Dahil tiyak na signal number 5 ito at maulan din, mayroon din kayang mati-Tino o mao-Ondoy?
Ang dapat isipin ngayon, baka maulit talaga ang istayl Tino o Ondoy.
Kaya naman, todo na dapat ang paghahanda ng lahat.
Hindi lang gamot at pagkain at pagpunta sa mga evacuation area ang mga dapat ihanda.
Pangunahing ihanda ang sarili laban sa kamatayan at pagkawala ng ating mga sarili o missing lalo’t pinakamahalaga ang ating buhay at kaligtasan.
Dapat ihanda rin ang mga sarili ng mga magiging biktima sa pagkalubog ng kanilang mga bahay at pagkasira ng kanilang mga kabuhayan.
Sa paglilimas at paglilinis lang ng mamamahay na putik sa loob ng buong bahay ay problema na talaga.
Aabutin ka ng siyam-siyam at wala ka pang magawa para maghanapbuhay.
At masasabing halos sira lahat at kailangan mong magpanibago.
Dito na kailangan ang tunay na ayuda ng pamahalaan at hindi pampulitika lamang.
Ayudang pangmatagalan at para makabangon sa kamatayan at paghihirap ang mga biktima.






