NAKABABAHALA ang tila malambot na pahayag ng Office of the Ombudsman kaugnay sa isyung kinasasangkutan ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa halip na matinding aksyon, tila may pag-aalangan pa kung “gross inexcusable negligence” lang ba ang maaaring isampa laban sa kanya — at hindi direktang pananagutan sa umano’y maanomalyang flood control projects na kinasangkutan ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, na siya namang itinalaga ni Romualdez bilang chairman ng House Committee on Appropriations.
Kung ordinaryong opinyon lang ng mga tagasuporta ni Romualdez, baka pwede nang palampasin. Pero kung mismong si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla — ang ulo ng institusyong dapat manguna sa pagsasakdal ng mga tiwaling opisyal — ang unang maglalagay ng limitasyon sa posibleng kaso, aba, may mali rito!
Hindi pa nga nagsisimula ang preliminary investigation, tila may “premature conclusion” nang inilatag. Paano kung sa mga testimonya ng mga imbestigador o mismong ni Co, ay lumabas na may direktang kinalaman si Romualdez sa mga proyekto? Paano kung hindi simpleng kapabayaan kundi aktibong pakikialam ang mabunyag?
“Gross negligence” ay madaling lusutan. Maaaring sabihin ng dating Speaker na hindi siya nag-iisa sa desisyon — na buong Kamara ang nag-apruba sa pag-upo ni Co bilang chairman ng Appropriations. Isang malamyang depensa na agad na pinahina ng mismong pahayag ng Ombudsman.
Mas lalong nakalilito ang isa pang pahayag ng tagapagsalita ng Ombudsman — na hindi raw pwedeng “pilitin” o “i-coerce” ang dating kongresista ng Quezon City na mag-“tell all.” Pero sino ba ang nagsabing dapat siyang takutin? Ang hinihingi lang ng publiko ay ipatawag siya sa pamamagitan ng subpoena, gaya ng malinaw na pinahihintulutan ng Ombudsman Act (RA 6770). Kapag may kakayahang magbigay-linaw sa imbestigasyon, obligasyon ng Ombudsman na pakinggan siya — hindi protektahan.
Ang mga pahayag na ito ay nag-iiwan ng impresyong pinipili pa kung hanggang saan lang ang imbestigasyon. Kung “gross negligence” lang ang direksyon, tila baga may sinusundang script upang limitahan ang pananagutan ng mga may mataas na posisyon.
Kung tunay na paglilinis sa gobyerno ang hangarin, walang dapat ituring na “untouchable.” Hindi gross negligence ang problema rito — kundi gross injustice kung muling mababalewala ang pananagutan ng mga makapangyarihan.






