Home NATIONWIDE Surigao del Norte itinutulak gawing EDCA site 

Surigao del Norte itinutulak gawing EDCA site 

MANILA, Philippines- Iginiit ni Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers ang “distinct advantage” na angkin ng kanyang lalawigan bilang potensyal na lokasyon para sa bagong base sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). 

“Surigao del Norte has a distinct advantage as it is openly facing the Pacific Ocean and has an outlet to the West Philippine Sea (WPS). The ships can traverse the country from east to west and vice versa without needing to circle around,” pahayag ni Barbers nitong Martes.

Inihayag ito ng mambabatas kasunod ng desisyon ng Department of National Defense (DND) na magtatag ng naval detachment sa lalawigan ng Aurora upang protektahan ang sovereign rights ng Pilipinas sa Philippine (Benham) Rise. 

“Defense Secretary Gibo Teodoro and the AFP’s (Armed Forces of the Philippines) move to build a naval detachment in Casiguran, Aurora province was laudable as this would play a role in protecting and guarding the country’s eastern seaboard,” anang solon.

Ayon sa Mindanao solon, kulang ang eastern seaboard ng bansa, saklaw ang Philippine Rise, sa sapat na seguridad at madalas na makaranas ng intrusyon ng China at iba pang bansa.

Dahil dito, nagiging daan umano ito ng mga barko na nagpupuslit na ilegal na droga sa bansa.

Ani Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, nakaharap din ang Surigao del Norte sa eastern seaboard. Binanggit niya ang pangangailangang protektahan  ito mula sa drug smugglers o sa foreign intruders. 

Nilagdaan ng Pilipinas at ng United States (US) noong April 28, 2014, binibigyang-daan ng EDCA na makapasok ang US troops sa Pilipinas at makapagtayo at makapagpatakbo ang US ng mga pasilidad sa Philippine bases para sa pwersa ng kapwa Amerikano at mga Pilipino.

Ang unang limang lokasyon sa ilalim ng EDCA ay ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Basa Air Base sa Pampanga; Antonio Bautista Air Base sa Palawan; Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu; at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.  

Kabilang naman sa karagdagang EDCA sites ang: Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan, Camp Melchor Aquino sa Gamu, Isabela; Balabac Islands sa Palawan; at Lal-Lo Airport sa Cagayan. 

Inialok ni Barbers at ng kanyang kapatid na si Surigao del Norte Governor Lyndon Barbers, ang lalawigan bilang karagdagang EDCA site noong September 2023 matapos sabihin ni US Indo-Pacific Command chief Admiral John Aquilino na kinokonsidera nila ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. na dagdagan ang kasalukuyang siyam na EDCA air force at naval facilities. RNT/SA