MANILA, Philippines – Nadakip ang isa sa dalawang suspect na bumaril at nakapatay sa biktima sa ikinasang hot pursuit operation ng mga miyembro ng Paranaque City police limang oras makalipas ang pagsasagawa ng krimen Linggo ng umaga, Hulyo 7.
Kinilala ni Paranaque City police chief P/Col. Melvin Montante ang inarestong suspect na si alyas Rocky habang patuloy naman ang pagsasagawa ng manhunt operation laban sa isa pang suspect na kinilalang si Muhammad Manguda Bangen na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nakalalaya.
Base sa report na isinumite ni Montante sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente ng pamamaril dakong alas 6:00 ng umaga sa panulukan ng Quirino Avenue at N.T. Garcia Street, Barangay San Dionisio, Paranaque City.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng Paranaque City police, noong umagang iyon ay nagtungo ang biktima sa isang tindahan na malapit sa kanilang bahay upang mag cash-in ng pera sa Gcash.
Hindi namalayan ng biktima ang pagdaan ng isang NMAX na motorsiklo lulan ang dalawang armadong suspects na bumaril sa kanya ng ilang beses na nagdulot ng kanyang agarang kamatayan.
Sinabi ng isang saksi na namumulot ng basura malapit sa pinangyarihan ng krimen na nakita niya ang biktimang duguan na bumagsak sa kalsada kasabay ng pagtakas ng mga suspects patungong Las Pinas.
Sa patuloy na pagsasagawa ng imbestigasyon ay napag-alaman na ang motibo ng pagpatay sa biktima ay may kinalaman sa ilegal na droga.
Narekober na ebidensya sa lugar ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala at isang basyo kung saan dinala ang mga ito sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa ballistics examination.
Ayon kay Montante, nadakip si alyas Rocky sa isinagawang hot pursuit operation ng mga miyembro ng Parañaque City police sa kahabaan ng Quirino Avenue, Barangay San Dionisio, Paranaque City dakong alas 11:00 ng umaga o limang oras makaraan ang nangyaring krimen.
Nahaharap sa kasong murder at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang mga suspects sa Paranaque City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)