Home NATIONWIDE Taiwan dinelubyo ng bagyong Hanna

Taiwan dinelubyo ng bagyong Hanna

TAIWAN – Sinalanta ng bagyong Haikui o kilala sa Pilipinas bilang bagyong Hanna, ang Taiwan.

Eksaktong tumama ang sentro ng bagyo sa timog-silangang bahagi ng Taiwan nitong Linggo ng hapon, Setyembre 3, at tumawid sa timog na bahagi ng bansa kabilang na ang Kaohsiung nitong Lunes ng umaga.

Dahil dito, nasa mahigit 30,000 tirahan ang wala pa ring kuryente sa kasalukuyan at marami ring mga pasok sa paaralan, negosyo at airlines ang nakansela.

Ito ang kauna-unahang bagyong direktang tumama sa Taiwan sa nakalipas na apat na taon.

Ayon sa state-run utility Taipower, mula nang manalasa ang bagyong Hanna, mahigit 240,000 tirahan ang nawalan ng kuryente.

Iniulat naman ng fire department ng Taiwan na mayroong limang nasaktan dahil sa bagyo, ngunit wala namang nasawi.

Inilikas ang mahigit 7,000 katao sa timog at silangang bahagi ng bansa.

Kanselado naman ang 189 domestic flights nitong Lunes, at 23 sa international flights.

Sa kasalukuyan ay nakaalis na sa landmass ng Taiwan ang bagyo at nagbabanta na sa China.

Inaasahang tatamaan nito ang mga probinsya ng Fujian at Guangdong sa China. RNT/JGC