Home METRO Lalaki patay sa pinalipad na van, 4 sugatan

Lalaki patay sa pinalipad na van, 4 sugatan

NUEVA VIZCAYA- PATAY ang isang lalaki habang sugatan ang apat kabilang ang ama ng una makaraan araruhin nito ang dalawa pang sasakyan matapos mawalan ng kontrol sa manibela, iniulat kaninang umaga, Setyembre 4 sa bayan ng Bambang.

Kinilala ang namatay na si Glenn Ong, 40-anyos, may-asawa, driver ng Toyota hi-ace van habang sugatan ang sakay nitong ama na si George Ong, 73-anyos, at kapwa residente ng Sta. Clara, Aritao, Nueva Vizcaya.

Sugatan din ang driver ng Ford Everest na si Clifford Consolacion, 29-anyos, may-asawa at residente ng Banao Mabuslo, Bambang, Nueva Vizcaya ganun din ang mga sakay ng Isuzu Elf na sina Alexander Bunnoy, 21-anyos, residente ng Nantawakan, Kasibu, Nueva Vizcaya, na minamaneho ni Mark Clinton Sanchez, 31-anyos, may-asawa at residente ng La Trinidad, Benguet.

Batay sa report ng Bambang Municipal Police Station, naganap ang insidente sa kahabaan ng Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, papunta sa direksyon ng bayan ng Aritao ang elf at Ford Everest habang nasa kasalungat na linya ang van.

Kwento ng mga saksi, matulin ang takbo ng van hanggang sa nawalan ito ng kontrol sa manibela at napunta sa kabilang linya.

Sa bilis ng pangyayari, nahagip nito ang Ford Everest at nag dire-diretso sa sumusunod na elf at nagtamo ang mga ito ng mga sugat sa katawan.

Mabilis naman rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at dinala ang mga sugatan sa ospital para lapatan ng lunas subalit binawian rin ng buhay ang batang Ong sanhi ng matinding pinsalang tinamo nito sa ulo at katawan.

Wala naman planong magsampa ng kaso ang iba pang biktima sa kasunduan na ipapaayos ng matandang Ong ang mga nasira nilang sasakyan. Mary Anne Sapico