LALO nating napatunayan na ang reklamong Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay isa lamang maniobra upang siya mapahiya, kung hindi man mapatalsik para hindi na makatakbo sa 2028 presidential elections.
Batid ng mga nagkaso sa kanya na mahihirapan silang patalsikin siya sa poder. Alam nila sa kanilang sarili na mahina ang kanilang mga reklamo.
Wala silang mga ebidensya kaya hanggang ngayon ay “namimingwit” pa rin sa gitna trial.
At nakita o napanood ito ng sambayanan. Pinagtatawanan tuloy sila kaya “lumalaki ang butas ng ilong” ng ilan at “tumutulo ang uhog” ng iba pa.
Noong una, tama naman silang hindi direktang kinasuhan sa korte ng grave threats si VP Sara dahil sa pagbabanta umano kay Pangulong Marcos, Jr., First Lady Liza at dating Speaker Martin Romualdez sapagkat alam nilang mauuwi lang ito sa basurahan. Si VP Sara ay may immunity sa kasong kriminal dahil siya ay isang Impeachable official.
Kaya ginamit nila ang Kongreso at itinulak ang Impeachment. Ngunit ngayong tila ramdam nilang mabibigo sila sa Impeachment at nalantad sa taumbayan na ito ay isa lamang bahagi ng kanilang kabulastugan, bigla silang bumalik sa paghahain ng mga kasong kriminal sa korte. Isang pagtatangka na gusto talaga siyang “palabasing kriminal” at hindi karapat-dapat na manatili sa pwesto sa pamamagitan ng police mugshot na ipakakalat sa publiko.
Ito ay isang malinaw na naguguluhan ang administrasyon at mga kakampi nito. Pinapagana na lamang nito ang buong kapangyarihan sa pag-asang sila ay magwawagi. Pero sila ay nabigo.
Hindi natakot si VP Sara, hindi nagtago bagkus ay ginamit ang karapatang ligal. Nagpiyansa siya kahit alam niyang panggigipit lang ang ikinaso sa kanya.
Imbes mapahiya, lalo lang bumuhos ang suporta sa Bise Presidente. Suportang nagmumula sa mayoryang Pilipino na sukang-suka na sa masasamang gawa ng magnanakaw at demonyong gobyerno.
Habang naghihirap ang mga Pilipino sa baha, mataas na presyo ng bilihin, at kakulangan sa imprastraktura, ang tanging pinagtutuunan ng pansin ng administrasyon ay ang pagpatutumba sa isang kalaban. Ginagamit ang lahat ng koneksyon at kapangyarihan ng bansa para sa pansariling layunin.
Ngunit tayo ay naniniwala, ang labis na panggigipit ay hindi palatandaan ng lakas. Ito ay pagpapakita ng labis nilang takot sa nag-iisang kalaban.
At sa kanilang pagmamadaling pabagsakin si VP Sara, sila na mismo ang lumilikha ng kanilang magiging bangungot at ikababagsak!






