
NABIGO ang gobyernong Bongbong Marcos na pigilan ang maraming Pilipino na gunitain ang alaala ng 1986 People Power Revolution kahapon.
Sinuspinde ng higit-kumulang 200 Katolikong Unibersidad, kabilang na ang state-run University of the Philippines at Polytechnic University of the Philippines ang kanilang mga klase para lumahok sa mga aktibidad sa EDSA.
Sumama sila sa mga progresibong grupo upang ipakita na buhay na buhay pa ang diwa nito kahit tinatangka itong wasakin ng anak ng diktador na pinatalsik sa pamamagitan ng sambayanang lakas dahil sa pangungurakot at pag-abuso sa kapangyarihan.
Idineklara ng mga paaralan ang kanilang sariling holiday matapos iklasipika ng administrasyong Marcos ang Pebrero 25 bilang isang “special working holiday”.
Ang sabi nga ng mga guro at mag-aaral, ang ginawa ng pamahalaan na gawing special working holiday ang paggunita sa People Power ay isang anyo ng historical distortion.
Natatakot si Marcos, Jr. na malaman o matuto ang mga bagong sibol tungkol sa mga makasaysayang pangyayari na naganap sa apat na araw na mapayapang pag-aalsa na nagtapos sa diktadura ng kanyang ama.
Palibhasa, tinatangka ni Dayunyor na muling pabanguhin ang imahe ng kanyang pamilya.
Ngunit may dahilan ang mga mag-aaral at sambayanang Pilipino na patuloy na buhayin ang diwa ng EDSA People Power.
Matapos ang halos apat na dekada, maraming hindi natupad sa mga ipinangako ng mga naging lider pagkaraan ng people power.
Ngayon, ang kasalukuyang administrasyon ay nahaharap sa mga reklamo ring korapsyon o pandarambong sa kabang bayan, tulad ng kanyang ama.
Bigo ang taumbayan sa pangako niyang pagkaisahin ang mamamayan sapagkat siya mismo ang nagpasimuno ng pag-atake sa dati niyang kakampi na ngayo’y kaaway sa pulitika.
Marami pa siyang pangako noong halalan na hindi natupad, tulad ng pagpapababa ng halaga ng mga bilihin, partikular na ang bigas.
Sa totoo lang, marami pang dapat gawin, higit sa pagtataguyod ng karapatang pantao.
Ang mga Pilipino ngayon ay nananangis sapagkat ang pandarambong ay tila naging institusyonal na at ang gobyerno ay napaliligiran ng mga politikong kawatan.
Sa hanay ng mga pinaka progresibong bansa sa Asya, ang Pilipinas ay nangungulelat sa rehiyon sa pag-unlad ng mga tao at sa ekonomiya.
Hindi lamang tungkol sa malawakang protesta ang People power, kundi tungkol din sa nagkakaisang pagkilos para magkaroon ng pagbabago.
Higit sa pagbabago ng pamumuno noong 1986, napakaraming sirang istruktura na kailangang ayusin upang mapangalagaan ang naibalik na demokrasya.
Huwag naman sana itong sirain ng gobyernong Bongbong Marcos dahil lamang natatakot siyang makita ang mga multong nilikha ng kanyang ama.