
NAHUHUMALING ang marami sa usaping Artificial Intelligence o AI at robotics.
Sa AI, papalitan ng computer ang tao sa pag-iisip, pagsasalin ng mga wika, pagsusuri sa mga datos, pagrekomenda ng mga solusyon sa mga problema at iba pa.
Dito rin makikita ang mga sasakyan sa himpapawid, panlupa at pandagat na walang piloto o drayber at bahala ang kompyuter sa gawaing piloto at tsuper.
Ang mga computer na rin ang gagawa sa mga transaksyon sa bangko, trabahong pang-opisina sa gobyerno o pribadong kompanya at iba pa.
Kapag inilagay ang AI sa mga robot, papalitan din ng mga robot at mga taong gumagawa ng mga pisikal na bagay gaya ng sa pagsisilbi sa mga pumupunta sa mga hotel at kumakain sa restoran, produksyon ng pagkain, gamot, sasakyan at iba pa.
Lumalabas na higit mabilis na mag-isip at kumilos ang mga AI at robot kaysa sa mga tao ng kung ilang daan o libong o milyong beses.
Mas perpekto pa ang gawa ng mga ito kaysa tao, bukod sa kawalan ng kapaguran ng mga ito.
Kaya gayun na lang ang pagsusumikap ng mga pamahalaan at mga pribadong kompanya o mga indibidwal sa paggawa ng mga AI at robot.
Noon, mahal ang mga ito pero habang tumatagal, nagiging mura sa rami ng gumagawa ng mga AI at robot na kapaki-pakinabang sa tao, pamahalaan at pribadong kompanya.
MASAMANG EPEKTO
Ayon sa International Monetary fund, nasa 40 porsyento na ng mga manggagawa sa buong mundo ang apektado ng pagsulpot ng AI at robot nitong 2024.
Kabilang sa mga anyo ng bunga ng AI at robot ang pagkawala o malaking pagkabawas ng mga trabaho at kita sa hanay ng mga nagbebenta ng lakas-paggawa at husay sa pag-iisip para mabuhay.
Bilang patunay, sa mga gumagawa ng mga sasakyan, AI at robot na ang nag-aasembol o gumagawa nang buong sasakyan at tanging isa lang sa mga natitirang trabaho ng tao ang mag-quality control kung ligtas ang mga sasakyan o hindi kapag pinaandar o ginamit na.
Katulong ang internet at satellite, ang mga wireless na sasakyan na may AI o robot ay kaya nang mamasahero, ipasyal ang tao kahit saan at kahit kailan o magdeliber at kukuha ng mga kalalakal o anomang bagay.
Kaya ganoon na lang ang pangamba ng IMF sa pagkawala o labis na kakulangan ng trabaho ng mga tao para mabuhay.
OPERASYON NG BANGKO
Ang DBS na sinasabing pinakamalaking bangko sa Singapore, nagsabi nang libo-libong taong manggagawa ang tatanggalin nila sa paggamit nila ng AI lamang sa susunod na mga panahon.
May 10,000 empleyado ang DBS at maaaring mga permanente o regular na obrero na lamang ang matitira.
Ang lahat ng kontraktuwal o pansamantala ang mga trabaho, hindi na kakailanganin.
PAGHANDAAN NA
Tiyak na darating ang AI at mga robot sa kung saan tayo nagtatrabaho o naghanapbuhay at simpleng gawain sa loob at labas ng pamahalaan.
Ngayon pa lang ay dapat nang paghandaan ang masamang epekto nito, lalo sa dumaraming mamamayan na naghahanap ng trabaho at pagkakitaan.
Pero ano-ano nga kaya ang mga anyo ng paghahanda upang hindi madiskaril ang pamumuhay ng mga mamamayan, lalo na ang mga nagbebenta ng lakas-paggawa at husay sa pag-iisip?