MATAGAL nang sinasabi ng publiko na hindi sapat ang pagtapal ng aspalto sa sirang kalsada. Ngayon ay kinikilala na rin ito ng Department of Public Works and Highways.
Sa pag-inspeksyon sa Camarines Sur at Quezon kamakailan, inanunsyo ni DPWH Sec. Vince Dizon ang pagtigil sa patingi-tinging road repair at ang pagbuo ng isang “comprehensive master plan” kasama ang mga Japanese consultant.
Ito ay agad na sinuportahan ni Camarines Sur Gov. LRay Villafuerte, bunsod ng matagal na reklamo ng mga Bicolano sa kondisyon ng mga kalsada.
Ngunit sa isyu ng road slipping at tibay ng highway, hindi na kailangang mag-eksperimento pa. Ang sagot ay matagal nang nakita sa Sorsogon sa ilalim ng pamumuno ng dating gobernador at kasalukuyang senador na si Chiz Escudero.
Sa halip na patse-patse, pinili sa Sorsogon ang pangmatagalang solusyon. Ang pamumuhunan sa tamang teknolohiya at pagkuha ng mga eksperto ay nagbunga ng mga kalsadang hindi madaling masira.
Ipinakita nito na kung may political will, may malinaw na direksyon ang proyekto.
Ang pagkilala nina Sec. Dizon at Gov. Villafuerte sa karanasan ng Sorsogon ay patunay na ang “Chiz standard” ay hindi lamang lokal na konsepto. Isa itong pamantayang kayang itapat sa international quality ng imprastraktura.
Ang kwento ng Sorsogon ay nagsisilbing hamon sa pamahalaan. Kung nagawa ito sa isang probinsya, bakit hindi sa buong bansa? Ang kailangan lamang ay mga lider na marunong makinig sa eksperto at may malasakit sa pondong galing sa mamamayan.
Sa rehabilitasyon ng Maharlika Highway, sana ay sundin ang aral na ito. Hindi lang kalsada ang dapat ayusin, kundi ang sistema ng pamumuno na inuuna ang kalidad. Dahil klaro, posible pala ang tama at matibay na solusyon.






