Home NATIONWIDE TestApp na kayang maka-detect ng deepfake sa 30 segundo gagamitin ng gobyerno...

TestApp na kayang maka-detect ng deepfake sa 30 segundo gagamitin ng gobyerno vs fake news

SANIB-PUWERSA na ngayon ang Presidential Communications Office (PCO) at Cybercrime Investigation Coordinating Center (CICC) laban sa fake news at scam activities.

Ito’y matapos na lagdaan ng PCO at CICC ang memorandum of agreement na naglalayong paigtingin ang pakikipaglaban ng gobyerno laban sa pekeng balita at scam activities.

Sa ilalim ng MOA, kapuwa nagkasundo ang PCO at CICC na kilalanin ang Inter-Agency Response Center (I-ARC) Hotline 1326 bilang national anti-scam hotline at i-promote ang eGOVPH application’s e-Report function para sa scam reporting.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na mayroon ding pagtutulungan para sa anti-scam at deepfake education campaigns, idagdag pa na ang mahahalagang balita ay isasama sa eGOVPH.

“Sa ganitong paraan ay matutulungan ang mga Pilipino na maiwasan ma-scam at malabanan ang paglipana ng fake news,” ang sinabi ni Castro.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni CICC Executive Director Undersecretary Alexander Ramos na magtatatag ng national task force at isang artificial intelligence (AI) application na gagamitin para paigtingin ang kampanya ng gobyerno laban sa misinformation at disinformation, lalo na sa gitna ng tumataas na deepfakes.

Sinabi pa ni Ramos na ang National Deepfake Task Force ay pangungunahan ng PCO, habang ang AI tool ay gagamitin ng libre para ipatigil ang paglaganap ng deepfake contents.

Ani Ramos, P2 million ang ilalaan para sa “regionalized” software na bibilhin mula sa isang foreign developer.

Nito lamang mga nakaraang linggo, may 200 deepfake cases ang isinumbong sa CICC.

“Masyadong bastardized na ang ating social media and we have to address it. And this is one of the concrete actions we’re taking,” ani Ramos.

“We would also want to have the support of the civil society initiatives by empowering civil society organizations working on media literacy, fact-checking and combating disinformation. Last month, we tested our tool that will be distribute to the stakeholders. Ito ho ay isang tool na within 30 seconds puwede ninyo na ma-identify ang deepfake content,” aniya pa rin.

Ani Ramos, isinasagawa na ang accreditation process para sa paggamit ng anti-deepfake application, idagdag pa na magkakaroon din aniya ng pagsasanay sa kung paano gamitin ang tool.

“It’s an application that we are giving out to accredited partners. Ano ho ‘to, wala ho tayong pinipili, that’s why we target independent fact-checkers. Hindi ho gobyerno ang magsasabi, iyong community mismo magsasabi,” ang winika ni Ramos. Kris Jose