Home NATIONWIDE Tigdas lumalaganap, 1,817 kaso naitala ng DOH

Tigdas lumalaganap, 1,817 kaso naitala ng DOH

MANILA, Philippines – Nakapagtala ang bansa ng 1,817 kaso ng tigdas mula Enero 1 hanggang Abril 13, na limang beses na mas mataas kumpara sa mga naiulat sa parehong panahon noong nakaraang taon, sinabi ng isang opisyal ng kalusugan noong Martes.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau, 374 na kaso ng tigdas-rubella ang naitala mula Enero 1 hanggang Abril 15 noong nakaraang taon.

Sinabi ni DOH Spokesperson Albert Domingo na ang pagtaas ay hindi dahil sa init kundi dahil sa measles virus at maari itong mangyari anumang oras lalo na kapag may mga pagtitipon ang mga bata tuwing summer.

Nauna nang sinabi ng World Health Organization na ang pagtaas ng kaso ng tigdas ay isang pandaigdigang alalahanin at hindi ligtas a g Pilipinas dahil maraming mga bata sa maraming bansa ang hindi nabakunahan dahil sa lockdowns sa panahon ng Covid-19 pandemic.

Naitala ng Bangsamoro Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang 48 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga kaso ng tigdas sa buong bansa, na nagresulta sa pagdeklara ng outbreak ng sakit sa lugar.

Ipinatupad ng DOH ang measles response outbreak immunization sa BARMM mula noong Abril 1. Layunin ng departamento na mabakunahan ang 1.3 milyong karapat-dapat na mga bata laban sa tigdas sa buong bansa.

Dahil ang tigdas ay sanhi ng virus at hindi ng bacteria, sinabi ni Domingo na nangangailangan ito ng symptomatic treatment o lunas para sa mga sintomas na kinabibilangan ng mataas na lagnat, ubo, runny nose, at watery eyes. Lumilitaw aniya ang mga pantal mga tatlo hanggang limang araw pagkatapos ng mga unang sintomas.

“What’s alarming, among kids, measles can become pneumonia which is fatal, and another case encephalitis which is a medical term for swelling of the brain or problem in the brain structure. We don’t want these to happen because the survival rate of these among children is very low,” sabi pa ni Domingo.

Ang bakuna laban sa tigdas, beke, rubella (MMR) ay maaaring ibigay sa mga batang may pinakamababang edad na 12 buwan.

Dalawang dosis ng bakunang MMR ang inirerekomenda na ang pangalawang dosis ay karaniwang ibinibigay kapag ang bata ay umabot sa apat hanggang anim na taong gulang.

Gayunpaman, maaari itong ibigay sa mas maagang edad na may hindi bababa sa apat na linggong pagitan pagkatapos ng unang dosis. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)