SAN GUILLERMO, Isabela – Arestado ang Top 2 Most Wanted Person sa probinsya ng Isabela na may patong sa ulo o pabuya na P140,000 alinsunod sa probisyon ng Department of Interior and Local Government o DILG sa isinagawang manhunt operation ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan sa Brgy. Ricarte Sur, Diffun, Quirino.
Sa direktiba ni PCol. Lee Allen ‘LABB’ B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ay naaresto ang suspek na kinilalang si alyas “Adan”, 34 anyos, binata, isang construction worker, at residente ng Brgy. Tuguegarao, Echague, Isabela.
Sa bisa ng tatlong Mandamiento De Aresto na inilabas ng dating Acting Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 24 sa Echague, Isabela na may petsang Disyembre 1, 2021.
Ang dalawang kaso ay tumutukoy sa paglabag sa Republic Act 7610 o ang Batas para sa Espesyal na Proteksyon ng mga Bata laban sa Pang-aabuso, Eksploytasyon, at Diskriminasyon, na may inirerekomendang piyansa na P200,000.00 bawat isa.
Samantala, ang ikatlong kaso ay tumutukoy sa kasong Panggagahasa kaugnay ng RA 7610, na walang inirerekomendang piyansa.
Nasa likod ng matagumpay na operasyon ang Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit ng Isabela Police Provincial Office (PIU/PDEU-IPPO) bilang mga pangunahing yunit, katuwang ang Echague Police Station, Provincial Investigation and Detection Management Unit (PIDMU-IPPO), Regional Police Intelligence and Operations Unit (RPIOU-RID2 PRO2), at Regional Intelligence Unit 2 (RIU2).
Pansamantala nasa kustodiya ng Echague Police Station habang inihahanda ang mga dokumento para sa kaukulang dukomentasyon at tamang disposisyon. REY VELASCO