Home HOME BANNER STORY Trust rating ni PBBM tumaas, VP Sara bumaba sa OCTA survey

Trust rating ni PBBM tumaas, VP Sara bumaba sa OCTA survey

MANILA, Philippines – Tumaas ang trust at performance rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang bumaba naman ang kay Vice President Sara Duterte sa pinakabagong resulta ng survey ng OCTA Research.

Inilabas nitong Martes, Agosto 27, nakita sa second quarter Tugon ng Masa (TNM) Survey na 71% ng mga Pinoy ang nagtitiwala kay Marcos.

Mas mataas ito ng 2% sa naitalang 69% sa first quarter.

Para naman kay Duterte, bumaba ang trust rating nito sa 65% mula sa 68%.

“It must be noted that this is the second consecutive quarter that Duterte experienced a decline in her trust ratings, continuing the slide since the 4th quarter TNM survey conducted last December 2023,” anang OCTA.

“It is also noted that this is the first time [Marcos] has registered a higher trust and performance rating than Vice President Sara Duterte-Carpio based on TNM surveys in the last three years,” dagdag niya.

Samantala, nasa 68% ng adult Filipinos ang ‘satisfied’ pa rin sa performance ni Marcos na mas mataas ng 3% mula sa 65% na naitala sa nagdaang quarter.

Bumaba naman ang performance rating ni Duterte sa 60% mula 64%.

“It is noted that this is the second consecutive quarter in which her performance ratings recorded a decline,” sinabi pa ng OCTA.

Nakatanggap ng pinakamataas na trust at performance ratings si Marcos sa Balance Luzon sa 80% at 74%, habang pinakamababa sa Mindanao sa trust at performance ratings na 56%.

Kabaliktaran, pinakamataas naman na trust at performance ratings ang nakuha ni Duterte sa Mindanao sa 95% at 92%, habang pinakamababa sa Balance Luzon sa 52% at 42%.

Sa socio-economic class, nakatanggap si Marcos ng pinakamataas na trust at performance ratings sa adult Filipinos mula sa Classes ABC sa 74% at 71%, at pinakamababa ang rating sa Class E na 66% at 64%.

Kabaliktaran naman ang nakuha ni Duterte na may pinakamataas na trust at performance ratings mula sa Class E sa 68% at 65%, at pinakamababang rating sa Class ABC sa 64% at 56%.

Ang survey ay isinagawa mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 5, 2024 na ginawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 male at female respondents edad 18 taon pataas.

May ±3% margin of error sa 95% confidence level ang naturang survey. RNT/JGC