GAYA ng nakikita natin lahat sa media, may mga bigla na lang humihiga, nagkakawag-kawag, nanginginig at iba pa.
Sobra pa sa nakikita nating nangyayari sa mga biktima ng epilepsy ‘yan.
‘Yun pala, walang sakit ang mga ito kundi nakahitit lang ng sigarilyo na Tuklaw kung tawagin.
Nakuha ang salitang Tuklaw mismo sa halamang Thuc Lao ngunit isang uri ng tabako sa Vietnam.
Depende sa paglalarawan ng mga gumagamit at nakakikita na nito, itim umano ang balot ng sigarilyo at karaniwang gaya ng tabako sa ordinaryong yosi ang mga laman.
Nang makita natin ang mga video ng mga biktima, bigla nating naalaala na paano kung tsuper, pampubliko man o pribadong sasakyan, ang mga humihitit?
Ang laking disgrasya niyan sa publiko at sa sinomang indibidwal.
Kamatayan, pagkakasugat, kasiraan sa ari-arian, pagkakaospital at iba pa ang tiyak na mangyayari.
Dahil sa isang tao na hihitit ng Tuklaw, madadamay ang iba sa labis na kapahamakan.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director General Isagani Nerez, lumitaw sa pagsusuri na malakas ang nikotina at may lamang synthetic cannabinoid ang Tuklaw.
Paliwanag ni Nerez, karaniwang may 3 porsyento ang nikotina sa yosi ngunit 9% ang sa Tuklaw at parang katulad na rin ng marihuwana ang synthetic cannabinoid.
Ngunit ayon sa National Institutes of Health sa Amerika, iba ang natural cannabinoid na gamit laban sa mga biktima ng HIV/AIDS at chemotherapy laban sa epilepsy.
Sa halip, lumilikha ang synthetic cannabinoid ng halusinasyon, matinding pagkilos ng katawan, mabilis na tibok ng puso, pagsusuka, pagkasira ng ulo at kamatayan.
Ang nakababahala, hindi lang sa mga ordinaryong tindahan nabibili ang Tuklaw kundi sa mga kalsada at online.
Dapat magbantay ang lahat laban sa Tuklaw.
Lahat ng pwersa ng gobyerno gaya ng PDEA, pulisya, NBI at iba pa at mamamayan, dapat magtulungan laban dito upang walang mapahamak na mamamayan.






