Home OPINION TUNAY NA SANHI NG PAGKAKAROON NG BANGUNGOT

TUNAY NA SANHI NG PAGKAKAROON NG BANGUNGOT

299
0

SA isang forum na may titulong “Usapang Puso sa Puso” ng Phi­lippine Heart Association (PHA) noong ika-9 ng Mayo 2025, nagsalita na ang mga espesyalista sa puso ang isang matagal nang paniniwala na ang bangungot ay sanhi ng masasamang pana­ginip.

Ayon kina Dr. Giselle Gervacio, isang electrophysiologist at PHA director Dr. Luigi Pierre Segundo, ang tunay na sanhi ng sudden unexplained nocturnal death syndrome (SUNDS) o mas kilala bilang bangungot ay isang karamdaman sa puso na tinatawag na “arrhythmia” o iregular na tibok ng puso na maaaring magdulot ng biglaang cardiac arrest habang natutulog.

Sa pag-aaral ni Dr. Gervacio, lumabas na maaaring ma­matay kaagad ang isang tao kapag may arrhythmia dahil hindi maayos ang daloy ng kur­yente sa puso.

Ayon sa PHA, ang bangungot ay isang syndrome na nagdu­dulot ng hindi maipaliwanag na pagkamatay ng isang malusog na indibidwal habang natutulog at kadalasang naaapektuhan ni­to ang mga kabataang lalaki sa Asya. Sa Pilipinas, matagal nang parte ng alamat ang bangungot, kung saan sinasabing ito’y dulot ng masamang espiritu o sumpa.

Paliwanag ni Dr. Segundo, ang salitang bangungot ay mula sa mga salitang Bisaya na “bangun” (gumising) at “ungol” (umu­ngol), na tumutukoy sa mga tu­nog na ginagawa ng biktima bago ba­wian ng buhay.

Ngunit malinaw na aniya nga­yon na hindi ito gawa ng kababalaghan kundi may siyenti­pikong pa­liwanag.

Noong 1950’s, napansin ng US Centers for Disease Control (CDC) ang serye ng biglaang pagkamatay sa mga migranteng Asyano sa Amerika habang natutulog. Wala raw malinaw na sanhi batay sa autopsy.

Sa Pilipinas naman, lumaga­nap noon ang ideyang pancrea­titis ang sanhi ngunit pinabula­anan ito ng pag-aaral ng UP-PGH at PHA noong 2014.

Kinikilala ng grupo ni Dr. Gervacio na ang pinaka-malamang na dahilan ng bangungot ay ang arrhythmia. Tinukoy rin niya na maaaring may lahing konektado ito na nasa 20 pors­yento hanggang 30 pors­yento, at mas madalas sa mga batang lalaki na tila malusog sa paningin.

Isinantabi rin ni Dr. Gervacio ang ilang paniniwala tungkol sa bangungot tulad ng mga sumpa, sobrang pagkain ng bagoong, o labis na stress at inom ng alak. Hindi raw direktang sanhi ang mga ito, ngunit maaaring ma­ging trigger kung may predisposisyon ang isang tao.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here