Home OPINION UNIVERSAL KIDNEY, PAG-ASA PARA SA MGA MAY SAKIT SA BATO

UNIVERSAL KIDNEY, PAG-ASA PARA SA MGA MAY SAKIT SA BATO

252
0

ISANG napakalaking tagumpay sa larangan ng agham at medisina ang balitang mula sa mga mananaliksik sa Canada at China ukol sa pagkakalikha ng tinatawag na “universal kidney.” Sa teorya, ito ay isang organ na maaaring tanggapin ng kahit sinong pasyente anoman ang uri ng kanyang dugo. Isipin na lamang: isang kidney na hindi na kai­langang tumugma sa blood type ng tatanggap, kung tuluyang magtatagumpay ito, maaari nitong baguhin ang buong sistema ng organ transplant at mailigtas ang libo-libong buhay na kasalukuyang naghihintay ng kidney donor.

Matapos ang mahigit isang dekadang pananaliksik, mata­gum­pay na nailipat ng mga eks­perto ang universal kidney sa katawan ng isang brain-dead na pasyente na pumayag ang pa­­milya nitong gamitin para sa siyentipikong pag-aaral. Ang resulta ay kapana-panabik dahil tinanggap ng katawan ang organ at nagpakita ng mahina lamang na immune response. Bagama’t sa ikatlong araw ay muling lumitaw ang ilang palatandaan ng type A blood, mas mahinang reaksyon ito kumpara sa karaniwan, na isang malaking hakbang tungo sa pagkamit ng tunay na “universal” na organ.

Sa kasalukuyang sistema ng organ transplant, ang mga pas­yenteng may type O blood ang pinakamatagal maghintay ng kid­ney. Higit sa kalahati ng mga pasyente sa listahan ng mga naghihintay ay may ganitong uri ng dugo, ngunit dahil ang type O kidney ay maaari ring ibigay sa ibang blood types, palaging nagkukulang ang suplay nito.

Kaya’t kung maisasaka­tu­pa­ran ang universal kidney, ma­wawala ang balakid ng blood-type compatibility at mapapabilis ang proseso ng transplant.

Gumamit ang mga siyenti­piko ng mga espesyal na enzyme na nag-aalis ng mga sugar mo­lecules o antigens na nagtatakda ng blood type sa ibabaw ng kidney. Sa madaling sabi, binago nila ang isang type A kidney upang maging katulad ng type O, ang tinaguriang “universal donor type.”

Ang simpleng pagbabagong ito ay may napakalaking potensyal na magbigay ng pag-asa sa mga pasyente sa buong mundo.

Ayon sa ulat, sa United States ay may 11 katao ang namamatay araw-araw habang naghihin­tay ng kidney transplant. Sa Pilipinas naman, batay sa datos ng National Kidney Transplant Institute, nasa mahigit 400 ang nakapila para sa kidney transplant, ngunit ayon sa mga eks­perto, maaaring umabot sa mahigit 7,000 ang tunay na bilang ng mga nangangailangan. Ibig sabihin, marami sa ating mga kababayan ang tahimik na nagdurusa, umaasang darating ang tamang donor bago mahuli ang lahat.

Bilang isang health advoca­te at Agarang Serbisyo Lady, naniniwala ako na ang mga ga­nitong uri ng pag-unlad sa siyensya ay hindi lamang dapat hangaan, kundi dapat ding suportahan. Ang universal kidney ay hindi lang representasyon ng makabagong teknolohiya, ito ay sagisag ng pag-asa, pagkakapantay-pantay, at malasakit sa buhay ng tao.

Ipinapakita nito na kapag pinagsama ang determinasyon, katalinuhan, at puso sa pagli­lingkod, walang imposibleng ma­abot.

Oo, mahaba pa ang landas bago tuluyang magamit ang universal kidney sa mga buhay na pasyente.

Ngunit bawat eksperimento, bawat pag-aaral, ay hakbang papalapit sa panahong ang sakit sa bato ay hindi na kailangang katumbas ng pagkawalang-pag-asa. Sa araw na iyon, masasabi nating tunay na natupad ang diwa ng agarang serbisyo, isang serbisyong mabilis, makatao, at para sa lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here