MANILA, Philippines- Hangad ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang ‘gradual return’ ng rice import tariff rate mula sa kasalukuyang 15% sa 35%, dahil ang biglaang pagtaas ay maaaring magpahina sa pagsisikap na ibaba ang presyo ng produkto.
Tinukoy ni Tiu Laurel ang kanyang testimonya sa House of Representatives’ Murang Pagkain Super Committee hearing noong nakaraang Miyerkules, inirekomenda nito sa Tariff Commission na ang mga pagtaas sa hinaharap sa rice import duty ay dapat na “strategically timed to minimize its impact on both local and global markets.”
“Our suggestion is a gradual increase…eventually returning to the 35% duty,” ang sinabi ni Tiu Laurel.
Sa kabilang dako, nagbabala naman si Tiu Laurel na ang biglaang 20-percentage-point hike ay maaaring makasira sa rice market at mapahina ang pagsisikap ng gobyerno na patatagin ang presyo simula pa noong nakaraang taon.
“A sudden increase could shock not only the local market but also ripple across the global rice trade,” aniya pa rin.
Winika pa ni Tiu Laurel na ang Pilipinas, bilang isa sa major rice importers ng buong mundo, may mahalagang papel sa global rice pricing dahil sa demand-supply nito at maging sa regulatory dynamics.
Matatandaang inaprubahan ni Marcos na bawasan ang taripa ng imported na bigas na ginawang 15% mula sa dating 35% sa pamamagitan ng Executive Order 62 na nilagdaan noong Hunyo 2024.
Layunin nito na bawasan ang presyo ng bigas sa merkado ng hanggang P7 per kilo. Kris Jose