Home TOP STORIES Urdaneta Mayor, VM pinagbawalan ng DILG pumasok sa city hall

Urdaneta Mayor, VM pinagbawalan ng DILG pumasok sa city hall

Hindi na papayagang makapasok sa city hall sina Urdaneta City Mayor Julio Parayno Jr. at Vice Mayor Jimmy Parayno matapos kordonan ng Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang luma at bagong gusali ng city hall. Ito ay bilang pagtiyak sa pagpapatupad ng isang taong suspension order laban sa kanila.

Inatasan ni DILG Secretary Jonvic Remulla si DILG Region 1 Director Jonathan Leusen na ipatupad ang utos ng Malacañang kaugnay ng kasong grave misconduct at grave abuse of authority ng magpinsang Parayno. Sa kabila ng suspension order na inilabas noong Enero 7, 2025, patuloy pa rin umanong pumapasok sa city hall ang dalawa, na naging dahilan ng 10-araw na ultimatum mula kay Remulla.

Ang suspension order ay nag-ugat sa iligal na pagpapalit kay Barangay Chairman Michael Brian Perez bilang presidente ng Liga ng mga Barangay noong 2022. Pinalitan umano si Perez ng isang indibidwal na pinapanigan ng mga Parayno.

Ayon kay Atty. Romeo Benitez, DILG Undersecretary for Legal Affairs, wala nang hurisdiksyon ang magpinsang Parayno sa kanilang posisyon mula Enero 7. Pinag-aaralan din ng DILG ang pagsasampa ng karagdagang kaso laban sa kanilang paglagda ng dokumento sa kabila ng suspension.

Pansamantalang itinalaga ng DILG sina First Councilor Franco del Prado bilang acting mayor at Second Councilor Warren Andrada bilang acting vice mayor. RNT