MANILA, Philippines – UMAPELA ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) nitong Martes sa Philippine National Police (PNP) na ipagpaliban ang pagpapatupad ng kanilang “Oplan Katok”.
Ang Oplan Katok ay isang door-to-door na kampanya laban sa mga baril na may expired na lisensya, sa panahon ng eleksyon dahil ito ay maaaring gamitin sa pagbabanta ng sinuman.
“Para sa amin, wrong timing ito. Sana itapat nila ito kapag walang election period para mas kalmado tayo na nakita natin, talagang legitimate at anti-criminality ang ginagawa nila,” ayon kay VACC President Boy Evangelista.
Kaugnay nito, nanindigan si PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo nitong Lunes na ang nasabing operasyon ay isang “regular function” ng police body matapos ireklamo ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring mauwi sa pag-abuso sa kapangyarihan ng mga pulis ang naturang operasyon.
Inihayag ni Comelec chairperson George Garcia nitong Martes ang kanyang pagkabahala tungkol sa pagsasagawa ng “Oplan Katok” bago ang halalan sa Mayo 12.
“Kasi kapag deputized agency ka, technically lahat ng ginagawa niyo ay puwedeng mapakialaman ng Comelec. Sana ay kaagad na makipag-ugnayan sa amin ang PNP tungkol sa bagay. Hindi tayo tututol, hindi tayo titigil, pero i-reassess lang natin,” ani Garcia. (Santi Celario)