MANILA, Philippines – Pinalawig ng Taiwan ang visa-free entry para sa mga may hawak ng Philippine passport ng isa pang taon.
Ayon sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO), maaaring manatili ang mga Pilipino sa Taiwan nang hanggang 14 na araw nang walang visa mula Agosto 1, 2026 hanggang Hulyo 31, 2027, basta’t natutugunan ang mga umiiral na requirements.
Sinabi ng TECO na ang pagpapalawig ng visa-free program ay bilang kapalit ng visa-free entry na ibinigay rin ng Pilipinas sa mga Taiwanese passport holders noong Hulyo 2025.
Unang ipinatupad ng Taiwan ang visa-free entry para sa mga Pilipino noong Nobyembre 2017 sa ilalim ng pilot program.
Hinikayat din ng TECO ang mga biyahero na alamin muna ang mga kinakailangang dokumento at kundisyon bago bumiyahe patungong Taiwan. RNT/MDS