Home NATIONWIDE VP Sara ‘bad shot’ kay Liza Marcos

VP Sara ‘bad shot’ kay Liza Marcos

MANILA, Philippines- Inamin ni First Lady Liza Araneta-Marcos na may sama siya ng loob kay Vice President Sara Duterte matapos akusahan ng pamilya ng huli si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may koneksyon sa droga.

Sa teaser video para sa “TUNE in kay Tunying,” sinabi ng First Lady na nasaktan siya nang dumalo si Duterte sa rally kung saan tinawag ang Pangulo na  “bangag.”

“For me, nasaktan ako because my husband will do everything to protect you. You ran together ‘di ba—sama sama tayong babangon muli,” ani Liza Marcos sa mamamahayag na si Anthony Taberna. 

“Pupunta ka sa rally, tatawagin ‘yung Presidente mong ‘bangag,’ ‘di ba, you’re going to laugh? Tama ba ‘yan? Even Leni [Robredo] never did that,” dagdag niya.

Nang kunan ng komento ukol sa pahayag ng First Lady, sinabi ng Vice President, “No comment. Thank you.”

Matatandaang noong Enero, tinawag ng ama ni Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, si Marcos na “bangag” sa isang prayer rally sa Davao City.

Inakusahan din ng dating Pangulo si Marcos na nasa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na itinanggi mismo ng nasabing ahensya.

Sinabi rin ng Philippine National Police na wala itong nakitang dokumento o listahan kung saan nakasaad na sangkot sa ilegal na droga ang Pangulo.

Makalipas ang isang buwan, itinanggi ng dating Pangulo ang kanyang alegasyon laban kay Marcos na dawit ito sa ilegal na droga.

Nang tanungin kung may pag-asang magkaayos pa sila ni Sara, sinabi ni Liza, “Bad shot na ‘yan sa ’kin.” RNT/SA