Home NATIONWIDE VP Sara nagpasalamat sa pagiging ‘good shot’ kay PBBM

VP Sara nagpasalamat sa pagiging ‘good shot’ kay PBBM

MANILA, Philippines – Pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkules sa patuloy na pagtitiwala nito sa kanya bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd) sa kabila ng hidwaan nila ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

Inilabas ni Duterte ang pahayag matapos sabihin ni Marcos noong Martes na wala siyang nakitang dahilan para palitan siya sa DepEd.

“Maraming salamat, Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa patuloy na pagtitiwala sa akin bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon,” ani Duterte.

“Makakaasa po kayo sa DepEd, na binubuo ng ating mga guro at non-teaching personnel, ay patuloy na naglilingkod nang tapat para sa kinabukasan ng bawat mag-aaral,” dagdag pa niya.

Inamin kamakailan ng Unang Ginang ang pagkakaroon ng sama ng loob kay Duterte matapos tawagin ng ama ng huli na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang asawa na “bangag” o high sa droga.

Sinabi ni Liza Marcos na nagalit siya nang makita niyang natatawa ang Bise Presidente sa sinabi ng dating pangulo sa isang rally sa Davao City noong huling bahagi ng Enero upang tutulan ang mga pagsisikap na amyendahan ang 1987 Constitution.

Sinabi ni Rodrigo Duterte na ang Pangulo ay nasa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency, isang claim na agad na itinanggi ng PDEA.

Bagama’t kinilala ng Bise Presidente ang damdamin ng Unang Ginang, sinabi niya na ang personal na damdamin ng huli ay walang kinalaman sa kanyang mandato bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno sa bansa.

Ang sinumang kalihim ng Gabinete na hindi gumagawa ng kanyang mga tungkulin, walang kakayahan, o kurakot ay papalitan, sinabi ng Pangulo noong Martes.

“Hindi naman ganoon si Inday,” ani PBBM na tinutukoy si VP Sara. RNT