Home OPINION WALANG KATAPUSANG BAHA, WALANG PASOK

WALANG KATAPUSANG BAHA, WALANG PASOK

KAHAPON, ipinag-utos ng Malakanyang na walang pasok sa lahat ng opisina ng gobyerno at lahat ng antas sa paaralan, lalo na sa Metro Manila .

Sinuspinde rin ni Acting Chief Justice Marvic Leonen ang halos lahat ng opisina sa mga korte.

Tugon ng Malakanyang at Korte Suprema ang mga suspensyon ng trabaho at klase sa advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na magkakaroon ng malalakas na ulan dahil sa habagat ang ilang bahagi ng Kabisayaan, gitnang Luzon at Timog Katagalugan.

Sa partikular, apektado ang Metro Manila, Bataan, Tarlac, Pampanga, Zambales, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, Palawan at Antique.

Dahil nga sa malalakas at halos walang tigil na pag-ulan, malakas o mahina, naririyan ang perwisyong baha na katakot-takot .

At totoo ngang nagkaroon ng katakot-tako na baha sa maraming lugar sa Metro Manila, lalo na sa mga mababang lugar na inabot ng high tide.

MAGANDANG AKSYON

Magandang aksyon ang ginawa ng pamahalaan at hukuman dahil iniwas ang milyon-milyong mamamayan, kasama ang nasa 2.5 milyong estudyante sa Metro Manila sa disgrasya at perwisyo mula sa baha.

Marami ngang pumasok sa mga opisina, pabrika at eskwela mula sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Manila, Parañaque at iba pa at nakaranas ng hirap sa pagsakay at pag-ikot kung saan sila dapat dumaan dahil sa mga baha.

Lumubog din ang maraming lugar sa Quezon City at Marikina na ikinalikas ng ilang mamamayan patungo sa mga ligtas na lugar.

Gayunman, paano na lang kung ganito nang ganito ang mangyari, lalo na sa parte ng mga no-work no pay at iba pang may katulad na kalagayan gaya ng maliliit na vendor ng pagkain sa harap ng iskul, opisina ng gobyerno, pabrika at iba pa at mga estudyante na gustong matuto nang buo at malalim?

WALANG PLANO LABAN SA BAHA

Kamakailan lang, nabunyag na wala palang pangkabuuang plano ang Metro Manila laban sa baha na nakaaapekto rin sa mga lalawigang nakapaligid dito gaya ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.

Ito’y sa kabila ng napakatagal nang nagaganap na grabeng mga pagbaha sa lugar at sa kabila rin ng trilyon piso nang halaga na ginagastos sa mga anti-flood control ng mga pambansa at lokal na pamahalaan.

Kung meron mang mga plano, kanya-kanya lang, halimbawa, ang mga local government unit at hindi konektado sa iba pang LGU.

Karaniwang ding, bawat bagong pinuno ng isang LGU makalipas ang halalan, maaari niyang baguhin ang anti-flood control na kanyang pinalitan.

Ang masaklap, walang nagawang malawakan at matagalang plano mismo ang pambansang pamahalaan na pupwedeng isagawa, kasama ang mga LGU na dinaraanan  ng mga baha patungo sa mga lugar na dapat nilang patutunguhan, gaya ng Manila Bay o Laguna de Bay.

Ang mga ito ang pangunahing problema na hindi napagtuunan ng pansin na nagbubunga ng katakot-takot na perwisyo gaya ng pagtigil ng trabaho ng mga tao,  pagkansela ng klase sa mga paaralan, pagkalugi ng mga negosyo, pagkabansot ng ekonomiya ng bansa at iba pa.