Home OPINION PINOY TANUNGIN MUNA KUNG GUSTONG MAKIPAGGIYERA

PINOY TANUNGIN MUNA KUNG GUSTONG MAKIPAGGIYERA

MAY ilang pinuno ng bansa na maiingay at nagpapakita ng katapangan at kahandaang makipaggiyera sa China mula sa sigalot ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Pero malinaw pa sa liwanag ng buwan at araw na ipinakikita ng mga ito na hindi kaya ng Pilipinas ang pakikipaggiyera kaya umaasa ang mga ito sa ayuda o mas masaklap pa, pamumuno ng ibang bansa gaya ng United States.

Partikular ang Mutual Defense Treaty ng Pinas at US, gusto nilang lalawak ang pakahulugan ng kasunduan na aayuda lang ang US kung may aktuwal na pag-atake sa Pilipinas o/at US mula sa ibang bansa.

Pero sinasabing daraan pa ang ayuda ng US sa desisyon ng kanilang Kongreso habang matik naman ang Pinas na aayuda?.

Kaugnay nito, tanawin natin ang mga giyera sa Ukraine, Russia at Gaza Strip sa Palestine na sinasakop ng Israel.

Mahigit 40,000 na ang patay sa Gaza Strip at ang mahigit 2 milyong mamamayan, nabubuhay sa gutom, pagkauhaw, sakit, kawalan ng matutuluyan dahil giba ang higit na nakararaming tahanan, bingit ng kamatayan at iba pa.

Sa Ukraine at Russia, may nasawi nang mahigit sa 500,000 sundalo at sibilyan simula noong Setyembre 2022 at nabubuhay rin ang milyon sa gutom, sakit, kawalan ng matirhan, hanapbuhay at iba pa.

Sobrang lakas kasi ang mga missile, bomba, rocket, drone, tangke, kanyon at baril, at posibleng maulit ang paggamit ng bomba atomika o nukleyar.

Tiyak na daranasin ng mga Pinoy ang kasiraan sa buhay, ari-arian, hanapbuhay at iba pa gaya sa Gaza Strip, Ukraine at Russia ngunit wala ni isang Kano o dayuhang pakner ng Pinas ang mamamatay, masiraan ng ari-arian at hanapbuhay sa layo nila sa Pilipinas.

Ngayon, pwede bang tanungin muna ng mga pinuno ang mga Pinoy kung gusto nilang makipaggiyera sa China bago nila isubo ang mga ito sa giyera?

Tiyak namang tatakas lang ang maraming pinuno sa US at iba pa saka mag-utos-utos lang sa mga Pinoy para makipaggiyera.