Home OPINION WALANG KUMALABAN SA MAYOR NG VALENZUELA

WALANG KUMALABAN SA MAYOR NG VALENZUELA

HINDI na nakapagtataka kung wala isa mang pulitiko ang nagtangkang tumakbo bilang alkalde ng Valenzuela City para labanan si Mayor Wes Gatchalian,

Eh kasi ba naman, kung magagawi kayo ng Valenzuela City, hindi lang sa mismong kabayanan, kundi sa mga lugar na dati’y maalikabok, madilim ang lansangan sa gabi, at lubak-lubak ang daan, aba’y maginhawa na ang biyahe at payapa na rin ang kapaligiran.

Sinabi pa ni Mayor Wes na bagama’t malaki talaga ang ibinaba ng insidente ng krimen sa kanilang lungsod dahil sa makabago at sopistikadong mga CCTV camera na nakakabit, hindi lang sa mga pangunahing lugar sa lungsod, kundi maging sa secondary at tertiary roads, aminado siya na may problema pa sila sa iligal na droga.

Nagiging transient point daw kasi ng droga ang kanilang lungsod na kahit hindi sa kanila nanggagaling, dito naman ibinebenta kaya patuloy sila sa maigting na kampanya laban dito.

Sabi pa niya, araw-araw ay nakakadakip ang kanilang pulisya ang mga sangkot sa iiigal na droga pero kahit yata mapuno ang custodial facility ng Valenzuela Police, may uusbong at uusbong pa rin na tumatangkilik sa droga.

Subalit sa kabuuan. panatag pa rin ang kalooban ng kanilang mamamayan dahil 24/7 ang ginagawang pagpapatrulya ng kanilang mga pulis at kahit sa gabi, parang umaga pa rin sa kanilang lungsod bunga ng maliliwanag na ilaw sa lansangan na kanilang inilagay.

Sa ngayon, ang pinakabago at napakagandang proyektong inilunsad ni Mayor Wes ay ang pamamahagi ng 35 mga electric vehicles sa pwersa ng pulisya at anim sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan na nito lamang Biyernes pinasinayaan, kasunod ang pagpapasinaya rin sa charging station sa Alert Center na susundan ng paglalagay din nito sa NLEX, MacArthur Highway, Mindanao Avenue at sa iba pang lugar hanggang umabot sa 22 ang bilang ng kanilang mga charging stations.

Pinondohan pala ang pagbili ng mga electric vehicles na nagkakahalaga bawat isa ng P1.6 hanggang P1.7 milyon mula sa kabuuang halagang P75,768,000.00 na nagmula sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng tanggapan ni Senator Win Gatchalian.

Layunin kasi ng magkapatid na mapapangalagaan ang kalikasan lalo’t hindi nagbubuga ng usok ang sasakyan at masisiguro ang kaligtasan ng mga Valenzuelano dahil kahit sa maliliit na lansangan ay makakapasok ang mga electric vehicle ng mga pulis.

Sabi ng alkalde, pinag-aralan niyang mabuti ang proyekto at sa katunayan, nagtungo pa siya sa China upang matiyak na magiging matagal ang kapakinabangan ng mga behikulo na bukod sa hindi na kinakailangan ang maintenance, may warranty pa ang baterya ng walong taon at 10-taon naman sa behikulo.