Home NATIONWIDE Witness sa Senate hearing vs Quiboloy, may panibagong pasabog

Witness sa Senate hearing vs Quiboloy, may panibagong pasabog

MANILA, Philippines – Iniuugnay ng dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte sa lider na relihiyon na si Apollo Quiboloy, na iniimbestigahan ngayon dahil sa mga krimen.

Sa public hearing ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality nitong Lunes, Pebrero 19, sinabi ni “Rene”, dating landscaper ng Glory Mountain ng KJC, at alleged witness-survivor sa mga krimen ng pastor, na nakita niya ang dalawang Duterte na bumisita sa lugar dala ang bag ng mga baril sa kanilang pag-alis.

“Ako po ay naging landscaper ni Quiboloy sa Glory Mountain at doon ko na po naranasan ang pananakit mismo sa kamay ni Quiboloy. ‘Pag hindi po siya nagandahan sa aming landscape sa mansyon niya, sinasampal niya kami at hinahampas. Mga apat na beses siguro ito sa isang linggo,” pahayag ni Rene.

“Sa Glory Mountain, pag dumadating si Quiboloy sakay ng chopper, may dala po siyang malalaking bag na laman po ang iba-ibang uri ng baril at nilalatag po ito sa tent na katabi po ng mansyon niya. Minsan po pumupunta doon din si former President Rodrigo Duterte at former Davao Mayor Sara Duterte. Pag umaalis na sila doon sa Glory Mountain, dala na po nila yung mga bag na siya pong bag na nilalagyan po ng mga baril,” pagpapatuloy niya.

Kalaunan, tinanong ni Senador Risa Hontiveros na nangangasiwa sa pagdinig bilang panel chair, na ulitin niya ang naunang testimonya nang makita niya sina Duterte sa Glory Mountain.

Pinaalalahanan din ni Hontiveros si Rene na siya ay ‘under oath’ at hindi pwedeng magsinungaling.

“Yes po, madam chair. Nakikita ko sila sa Glory Mountain,” aniya.

Nang tanungin naman kung paano niya nasiguro na mga baril ang laman ng bag, ipinaliwanag ni Rene na ang mga armas na ito ay karaniwang ibinibigay ni Quiboloy.

“Kasi kapag pumupunta po si Quiboloy doon sa Glory Mountain sakay ng chopper, meron po siyang dalang malalaking bag. Tapos ‘yung bag po from helipad, sinasakay n’ya po doon…dinadala niya sa mansyon n’ya tapos after nilalatag po sa ground – may tent po [sa] mansyon n’ya tapos doon po nilalatag ang iba’t ibang uri ng baril,” paliwanag ni Rene.

Wala pang tugon ang mga Duterte, at ang legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Ferdinand Topacio.

Si Rene, ay nakaranas umano ng forced labor at physical abuse mula kay Quiboloy at umalis siya sa naturang religious organization noong 2021.

“Buong-buo ang loob ko at kahit natatakot ako ay sabi ko, hindi na ako magpapapigil pa. Noong una ay ayaw nila ako payagan, pero sa kalaunan ay pumayag sila matapos ko sabihin na kakasuhan ko si Tina San Pedro,” paliwanag ni Rene.

Bago tuluyang umalis ng KJC, binalaan siya sa pagsasalita laban sa KJC, lalo na ang mga nalaman niya tungkol sa Glory Mountain.

Binantaan pa siyang ipakukulong at mawawala sa mundo kung gagawin niya ito.

“Nanahimik ako ng ilang taon at bitbit ko ang trauma ng aking pinagdaanan. Lalo pa na ako ay member ng LGBTQ community.” RNT/JGC

Previous article64 katao minasaker sa tribal war sa Papua New Guinea
Next articleNene ginahasa ng kaibigan sa Caloocan