KUNG totoong seryoso si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na “parusahan” ang mga kontratista sa mga “guni-guning” flood control projects, iutos niya ang pag-freeze sa asset at yaman ng mga ito.
Lima sa labinglimang contractors na ibinunyag ni Pangulong Marcos ang kumopo ng malalaking proyekto sa pagkontrol sa baha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kamalasan, baha pa rin sa maraming lugar sa bayan nating minumutya.
At swerte ang mga hinayupak, binaha rin sila ng limpak-limpak na pera ng bayan.
Mantakin n’yo ba naman, sa mga walanghiyang kontraktor na ito ibinuhos ang malaking pondong bayan para ipangpagawa ng flood control pero wala naman, ang iba ay madaling natibag.
Labinlima pa lang ang tinumbok ni PBBM.
Pero ayon kay Sen. Ping Lacson, 67 mga kaduda-dudang contractors ang naglalaro sa pera ng ating bayan.
Karamihan sa kanila kundi mga kongresman o kanilang mga kaanak. Ang gagaling ano po?
Ang tanong ay nasaan ang perang tinatamasa mga hinayupak sa kunwaring flood control projects?
Mababawi pa kaya ang mga ito ni Juan dela Cruz?
Ngayon, kung totoo si Pangulong Bongbong habang hinihintay niya na “maparusahan” ang mga kawatan ay iutos din niya sa mga kinauukulan na ipa-freeze ang kayamanan ng mga magagaling.
Madali lang naman ito…kung seryoso ka talaga Mahal na Pangulo.






