Home OPINION AKAP OUT NA SA 2026?

AKAP OUT NA SA 2026?

313
0

MAITUTURING bang sampal sa mga mambabatas o mga kongresman at senador, ang tahasang pag-itsapwera sa AKAP o Ayuda para sa Kapos ang Kita Program sa National Expenditure Program para sa 2026?

Tahasang sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na hindi na kasali ang AKAP ngayon taon makaraang isumite nito ang NEP sa Kamara at tinanggap ni House Speaker Martin Romualdez na siyang pasimuno umano ng AKAP sa nakaraang dalawang taon o 2024 at 2025.

Katwiran ni Pangandaman, sobrang laki umano, nasa P10 trilyon ang hinihingi ng mga ahensya ng pamahalaan, kaya wala munang lugar umano ang AKAP para 2026.

Noong 2024, mahigit P26 bilyon ang badyet sa AKAP at nagbenepisyo umano ang nasa 5 milyong Pinoy.

Ngayong 2025-2026, nasa P26B din at sinabi noong una na magbebenepisyo ang nasa 20M obrero ngunit hindi pinayagan ang pagpapairal nito ng Commission on Elections nitong nakaraang halalan para maiwasang magamit ito sa pagbili ng boto.

Kung matatandaan ninyo, biglang isiningit umano ang AKAP sa Bicameral Conference Committee noong 2024, ayon kay Manang Senator Imee Marcos ngunit tanging ang mga kongresman lang ang nagprograma o nakinabang nito.

Sa taong 2025, hindi inaprubahan ng Senado ang panukalang P39B AKAP ngunit nang ibaba ito sa P26B, inaprubahan din ng mga senador nang magkaroon sila ng P5B parte para iprograma rin. Hehehe.

Dahil mukhang malambot ang salita ng DBM sa pagsibak sa AKAP, posible bang maisingit pa rin ito para sa 2026 sa anomang anyo?

Tingnan natin.

Sabi ng mga senador, walang singit-singit ngayong deliberasyon sa 2026 badyet at ipinanunukalang gawing live sa media coverage ang lahat ng usapan dito para maiwasan ang paniningit ng katulad ng AKAP.

Wala pang desisyon dito.

Ipagpalagay na lang na gagawing magkaroon ng live media coverage, paano kung luto na ang lahat at kasama ang sahog na paningit bago gawin ito, lalo ngayong pinamamadali ng Palasyo ang pag-apruba sa panukalang NEP?

Alalahaning napakabilis lumapit ang 2028 election at mawawala na sa eksena si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ikawawala rin ng mga sumakay sa kanya para mangorap o mandambong.

Mayroon at mayroong gustong magsamantala at kumita habang nasa poder pa si Marcos gaya ng karanasan din sa nagdaang mga administrasyon.

At sa mga paningit karaniwang nagagawa ito, kasama siyempre ang mga hindi paningit.

Ano-ano nga ba talaga ang mga gagawin upang mapigilan ang pagbulsa sa salaping bayan na nagmumula sa buwis at utang ng pamahalaan?

Ipakulam na lang kaya lahat ang mga mambubulsa?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here