Home OPINION NAGKANDAHETOT-HETOT NA SA ANTI-FLOOD

NAGKANDAHETOT-HETOT NA SA ANTI-FLOOD

180
0

HABANG nagsimula nang magsagawa si Pangulong Bongbong Marcos ng imbestigasyon sa korapsyon o pandarambong sa bilyon-bilyong pisong anti-flood projects sa nakaraang tatlong taon na panunungkulan niya, nagkakandahetot-hetot o nagkakandaloko-loko na yata lahat.

Una, may mga kongresman na nanghahamon sa mga naglalabas ng balita na sa kanilang hanay matatagpuan ang mga korap at mandarambong.

Halimbawa sa mga hinahamon si Baguio City Mayor Benjie Magalong na nagsabing nasa 30-40 porsyento ang ibinubulsa ngunit wala namang humahamon kay Senador Ping Lacson na nagsabing umaabot sa 60 porsyento.

Si Senior Deputy Speaker and Quezon 2nd district Rep. David Suarez ang nanghahamon kay Mayor Magalong.

Ikalawa, nagsimula ring magtuturo ang iba at idinadawit si Senate President Chiz Escudero na nagsabi namang isa lamang demolition job mula sa mga kongresman ang pagdadawit sa kanya.

Ikatlo, itong si House Majority Floor Leader Sandro Marcos, umaming silang kongresman ang pinatutungkulan ng “Mahiya naman kayo!” nitong nakaraang State of the Nation Address ni Pang. Bongbong kaya hindi pwedeng imbestigahan nila ang kanilang mga sarili at tama lang na ang kanyang ama o Office of the President ang mag-imbestiga.

Halos pareho sila ni Suarez na nananawagan ng third party investigator dahil hindi pwedeng imbestigahan nila ang kanilang mga sarili.

Ikaapat, klarong si Pang. Bongbong ang nag-aakusa sa kanyang SONA sa pagsasabing may “for the boys, SOP at ghost projects”, at inuutang ang mga pondo ngunit ibinubulsa lang ng mga korap at mandaramong at kontraktor.

Nasa P350 bilyong anti-flood projects mula sa kabuuang P550B ang kinuwestiyon ng Pangulo na may kasamang imbestigasyon na ngayon.

Panay deny to death naman ang mga mambabatas ngayon sa pagkakasangkot.

Ikalima, may mahigit 67 ang kongresman-kontraktor, ayon naman kay Lacson at para naman sa Pangulo, may 15 kontraktor, kasama ilang pribado, ang nakakopo ng P100B kontrata.

Ikaanim, sinabi ni Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan na kasali ang mga kongresman-kontraktor sa mga public bidding at nakakukuha ng mga kontrata dahil hindi naman sila bawal sa batas.

Kailangan umanong amyendahan ang batas dito para tuluyan silang maitsapwera.

P72B ANTI-FLOOD SINIBAK

Sa National Expenditure Program para sa susunod na taong 2026, ipinanukala ng Palasyo na gawing P272.9B na lang ang gagastusin para sa anti-flood projects, sa halip na sundan ang halos P350B na inilaan sa taong ito, 2025.

‘Yun bang === sinibak ang halos P72B.

Palatandaan din ba ang sinibak na P72B ng kabulukan at naamoy ng Pangulo ito o may pamumulika at iniitsapwera ang mga hindi kaalyado?

MGA OPOSISYON MAGSISIPER NG BUNGANGA?

Para naman sa ating Uzi, partikular na inaantabayanan nito ang aksyon ng mga nagsasabing sila’y makabayan, anti-korap at anti-mandarambong.

Merong mga grupo at independent diyan sa Kamara at Senado.

Hihintayin ng ating Uzi ang imbestigasyon nila sa kanilang mga kasamahang hagip ng mga “for the boys, SOP at ghost projects” na nagbulsa ng mga pondo at utang para anti-flood projects.

Ang uso ngayon, magbabantay na raw lahat sa 2026 na anti-flood projects.

Anak ng tokwa, forgive and forget na lang simula noong Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2025?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here