Home NATIONWIDE Yorme Isko opisyal nang nagbalik sa Maynila

Yorme Isko opisyal nang nagbalik sa Maynila

MANILA, Philippines — Opisyal nang nagbalik sa puwesto si dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso matapos manalo sa 2025 mayoral elections, batay sa pinakahuling resulta ng Commission on Elections (COMELEC).

Matapos ang tatlong taong pamamahinga mula sa lokal na pulitika, tinalo ni Moreno si incumbent Mayor Honey Lacuna sa isang malawak na agwat, at muling bumangon mula sa kanyang kabiguang tumakbo sa pagkapangulo noong 2022.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Moreno ang kanyang adbokasiya na linisin at panatilihing maayos at mapayapa ang lungsod.

“Kailangan namin ang pakikiisa ng bawat Batang Maynila… Ayusin natin ang Maynila para sa susunod na henerasyon,” ani Moreno.

Nanalo rin ang kanyang running mate na si Chi Atienza bilang bise alkalde, na tinalo si incumbent Vice Mayor Yul Servo Nieto mula sa Asenso Manileño party. Nangako si Atienza ng pamahalaang bukas sa mamamayan.

“Hiningi po namin ang inyong tiwala, kapalit ay pamahalaang makikinig at magsisilbi,” ani Atienza.

Samantala, nagtagumpay rin ang ilang kandidato mula sa hanay ni Moreno sa pagka-kongresista. Nanatili sa puwesto si Rep. Ernix Dionisio ng unang distrito habang si Joey Uy ang nanalo sa ikaanim na distrito.

Sa Sangguniang Panlungsod, ilang bagong konsehal mula sa kampo ni Moreno ang nahalal, kabilang na ang kanyang anak na si Joaquin Domagoso, na nanalong konsehal sa unang distrito—hudyat ng panibagong henerasyon ng pamumuno sa lungsod. JR Reyes