Home OPINION YOU CAN NEVER PUT A GOOD MAN DOWN

YOU CAN NEVER PUT A GOOD MAN DOWN

280
0

MAY kasabihan na sa pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.

Ganito maihahalintulad ang karanasan ni Manila 2nd District Councilor Darwin “Awi” Sia na gumawa ng mga ligal na hakbang, naghintay at umasa na maiproklama bilang halal na konsehal makaraang manalo at makakuha pa ng pinakamaraming boto sa kanyang distrito.

Nito lang kasing Lunes ng umaga, Hunyo 23, naiproklama ng Manila City Board of Canvassers si Sia makaraang maglabas ng utos ang Commission on Elections sa City Board of Canvassers na iproklama na siya at mapabilang na miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila.

Napagpasyahan kasi ng Comelec en banc na alisin na ang unang ipinataw nilang suspensyon sa konsehal bunga na rin ng ginawa nilang kanselasyon sa inihaing Certificate of Candidacy ni Sia dahil sa material representation o ang hindi niya paglalagay sa kanyang COC na convicted pala siya sa kasong electricity pilferage o pagnanakaw ng kuryente.

Kung tutuusin, kapabayaan ang naging kasalanan ni Sia at wala naman siyang intensyon na magsamantala sa paggamit ng libreng kuryente ng barangay hall noong siya pa ang Barangay Chairman sa kanilang lugar sa District 2.

Nang mahalal at maupo kasing chairman ng barangay bago maging konsehal, naabutan na ni Sia na walang metro ang kuryente sa barangay hall pero dahil sa dami ng problemang pambarangay na kanyang inaasikaso hindi niya naasikasong magpalagay ng metro na dahilan para makasuhan ng electricity pilferage.

Dahil siya ang punong barangay, inako na niya ang kasalanan kaya’t hinatulang guilty at pinatawan ng parusang pagbabayad ng multang P10,000.00 na nasilip ng mga kalaban sa pulitika kaya nagamit laban sa kanya.

Si Sia ang pinakamalakas na kandidato ni Yorme Isko Moreno Domagoso noong nakaraang halalan at patunay ang paghakot niya nang pinakamalaking botong 72,745.

Pero dahil nga convicted, pinawalang bisa ng Comelec en banc ang kanyang COC at sinuspinde ang kanyang proklamasyon na dahilan para maghain siya ng Temporary Restraining Order sa Korte Suprema na kalaunan ay kinatigan ng mga Mahistrado.

Kahit na may TRO na, nalungkot pa rin si Sia dahil hindi pa rin siya iprinoklama ng Comelec pero sabi nga ng kanyang mga kaibigan,”you can never put a good man down” kaya sa natuloy din ang kanyang proklamasyon.

Sa laki ng boto at suportang nakuha ni Sia, hindi malayong maging contender siya sa national election sa 2028 bilang Congressman naman ng ikalawang distrito. Good Luck Konsi Awi “Superman” Sia!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here