MANILA, Philippines – LABIS na ikinatuwa ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pinakabagong report ng non-government organization Committee to Protect Journalists (CPJ’s) na walang Filipino journalist ang pinaslang noong 2024.
Sinabi ni PTFoMS executive director Jose Torres Jr., ang development ay mahalagang hakbang sa nagpapatuloy na pagsisikap ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng media workers sa Pilipinas.
Ayon pa kay Torres, ang kawalan ng pagpatay noong 2024 ay isang testamento ng pinagsama-sama at pagtutulungang pagsisikap ng iba’t ibang stakeholders, kabilang na ang law enforcement agencies, media organizations, at civil society, sa pagpo-promote ng isang mas ligtas na kapaligiran para sa mga mamamahayag.
”The PTFoMS recognizes the hard work and dedication of all those involved in upholding the principles of press freedom and protecting the lives of media professionals,” ang sinabi ni Torres.
Sa naging report nito, sinabi ng CPJ na may 124 journalists at media workers ang pinaslang noong 2024, kung saan ang Israel ang responsable para sa 70% ng kabuuan sa taon na itinuturing na ‘deadliest year’ para sa mga reporters at media workers mula ng magsimula ang CPJ na itago at itabi ang mga records mahigit sa tatlong dekada na.
Winika pa ni Torres na nananatiling bigilante ang PTFoMS at committed sa mandato nito na tiyakin ang proteksyon ng mga miyembro ng media.
”We recognize that the fight for media security is an ongoing process, and we cannot afford to be complacent. We continue to monitor and address all forms of threats and harassment against journalists, including online attacks, intimidation, and other forms of violence,” aniya pa rin.
Samantala, nanawagan naman si Torres sa media organizations at journalists na ipagpatuloy lamang ang trabaho kasama ang PTFoMS at iba pang kaugnay na ahensiya upang mapanatili ang ligtas at secure na kapaligiran para sa “practice of journalism” sa bansa. Kris Jose