MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Kamara nitong Sabado, Nobyembre 30 ang pagpapalaya kay Undersecretary Zuleika Lopez ng Office of the Vice President.
Ang release order ay pirmado ni Manila Representative Joel Chua, chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
“In view of the undertaking to attend all hearings, you are hereby ordered to immediately release Atty. Zuleika T. Lopez after a medical examination has been conducted on her,” saad sa release order.
Si Lopez ay isinugod sa Veterans Memorial Medical Center mula pa noong Nobyembre 23 matapos magkasakit kasunod ng desisyon ng panel na ilipat siya mula House detention facility patungong Correctional Institution for Women.
Ang detention order ay mapapaso sana hanggang Nobyembre 25 ngunit pinalawig ng Kamara hanggang Nobyembre 30.
Ipinag-utos ang pagpapa-detain kay Lopez noong Nobyembre 20 matapos itong ma-cite in contempt sa umano’y pakikialam sa imbestigasyon ng panel kaugnay sa paggastos ng confidential fund ng mga opisinang hawak ni Vice President Sara Duterte.
Nagbigay din ito ng “evasive” response kasabay ng pagdinig, ayon pa sa panel.
Kamakailan ay sinabi ni Lopez sa komite na wala siyang alam kung paano ginagamit ng OVP ang confidential funds nito, at sinabing ang tungkulin niya sa OVP ay pangasiwaan lamang ang institusyonalisasyon at implementasyon ng lahat ng socioeconomic projects ng opisina. RNT/JGC