Home HOME BANNER STORY 1 patay, 22 sugatan sa pagbangga ng bus sa trak sa Davao...

1 patay, 22 sugatan sa pagbangga ng bus sa trak sa Davao de Oro

MANILA, Philippines – Patay ang isang indibidwal habang sugatan ang 22 iba pa matapos na bumangga ang isang pampasaherong bus sa container truck na nakaparada sa national highway sa Davao de Oro nitong Linggo, Marso 24.

Ang bus ay patungong Butuan City nang mangyari ang insidente.

Sa inisyal na report, nangyari ang pagbangga ng bus alas-4 ng umaga nitong Linggo sa Purok 9, Barangay Baylo sa Monkayo, Davao de Oro.

Ang trak ay nakahinto sa kalsada dahil sa engine malfunction.

Kinilala ang nasawi na si Riann Mamusog, 32-anyos, konduktor ng bus.

Ang 22 sugatan ay dinala na sa Davao de Oro provincial hospital para gamutin.

Ayon kay Monkayo Police traffic investigator PCPL Mark Lozarita, sa inisyal na imbestigasyon ay nakita na walang malinaw na senyales na nakaparada ang trak sa highway.

“Base sa investigation, ang signage ng container van, hindi ganoon kaklaro sa kalsada. Naglagay kasi siya ng improvised na signage gamit ang dahon kaya ayun, nabulaga ang driver ng bus,” ani Lozarita.

Dinala na sa Monkayo Municipal Police Station ang drayber ng trak at bus para maimbestigahan at matukoy kung sino ang mananagot sa insidente. RNT/JGC

Previous articleEasterlies makaaapekto sa silangang bahagi ng bansa
Next articleMasungi Georeserve, protected forest reserve – DILG