Home NATIONWIDE 163rd Malasakit Center binuksan sa Muntinlupa

163rd Malasakit Center binuksan sa Muntinlupa

MANILA, Philippines- Bilang tagapangulo ng Senate health committee at principal author/sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019, inimbitahan si Senator Christopher “Bong” Go ng Department of Health sa pagbubukas ng ika-163 Malasakit Center sa Ospital ng Muntinlupa noong Miyerkules.

Ito ay bahagi ng makabuluhang pagpapalawak ng programa na layong pabilisin ang pagbibigay ng tulong-medikal sa mga mahihirap.

Ang Malasakit Centers na inisyatiba ni Go, ay pinagsama-sama ang mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Social Welfare and Development, DOH, Philippine Health Insurance Corporation, at ang Philippine Charity Sweepstakes Office, sa iisang lokasyon upang hindi na mahirapan ang mga lumalapit na Pilipinong pasyente na nangangailangan ng tulong.

“Nakita ko sa Davao (City) noon, nakapila sa bangketa. Pumipila 5:00 a.m. po sa PCSO para humingi ng tulong. Hihingi ng financial assistance, bibigyan ng limang libo ‘yung pasyente. Nagmamakaawa sa paghingi ng tulong Naisip ko, pera naman po ng taumbayan ‘yan, bakit kailangan pa nilang maghirap para humingi ng tulong.”

“Diyan ko po naisipan ang Malasakit Center. Kaya natin nilagay sa isang kwarto, sa isang opisina sa loob ng hospital. ‘Yung PhilHealth, PCSO, DOH at DSWD. Para hindi na sila lumabas at pumunta sa mga opisina para humingi ng tulong,” ayon kay Go.

Dahil sa mga realisasyong ito, itinulak ni Go ang pagtatayo ng mga Malasakit center noong 2018 at kalaunan ay naging batas sa ilalim ng Republic Act No. 11463, na kilala rin bilang Malasakit Centers Act of 2019, nang siya ay naging senador. 

Sa kasalukuyan, ang Malasakit Centers ay naglipana na sa buong bansa, may 91 sa Luzon, 30 sa Visayas, at 42 sa Mindanao, kabilang ang 32 sa National Capital Region na may dalawa sa Muntinlupa City lamang. Ang isa pang Malasakit Center sa lungsod ay nasa Research Institute for Tropical Medicine.

“Tuloy-tuloy lang ang programang ito dahil hindi natin dapat pinahihirapan ang mga pasyente. Dapat tulungan natin sila para hindi na sila pumipila sa iba’t ibang ahensya para makahingi ng tulong mula sa gobyerno,” paliwanag ni Go.

Sa paglulunsad ng center, namahagi si Senator Go ng tulong sa 690 hospital staff at 400  pasyente, tulad ng meryenda, grocery packs, bitamina, mask, kamiseta, at bola para sa basketball at volleyball. Mayroon ding mga nakatanggap ng mga bisikleta, sapatos, mobile phone, at relo.

“Tayo po ay nagpapasalamat sa pagbubukas ng Malasakit Center. Isa po ito sa mga inaantabayanan natin mga kababayan na serbisyo mula sa national government. At tayo po ay (may) malaking utang na loob sa ating mga bisita na siya mismong instrumento sa pagtatatag ng Malasakit Center dito sa Muntinlupa,” ani Mayor Rufino Biazon na tumutukoy kay Senator Go. RNT