Home OPINION NCRPO TUTOK SA PAGPAPAHUSAY SA KASANAYAN NG MGA PULIS

NCRPO TUTOK SA PAGPAPAHUSAY SA KASANAYAN NG MGA PULIS

KAHAPON, nagkaroon ng Tactical Drone Operation Competition CY 2024 sa National Capital Region Police Office sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City kung saan naglaban-laban ang mga distritong nasasakop ng nasabing rehiyon ng pulisya.

Bagaman hindi nakarating ang panauhing pandangal na naunang inimbitahan, nagbigay naman ng oras si Capt. Ian Michael Del Castillo, head division chief aerial works certification and inspection division ng Civil Aviation Authority of the Philippines, sa paligsahan na ginanap sa ilalim ng napakatinding init ng araw sa grounds ng Grandstand ng Camp Bagong Diwa.

Anim na grupo ng pulisya ang naglaban-laban – Quezon City Police District, Manila Police District, Northern Police District, Southern Police District, Eastern Police District at Regional Mobile Force Battalion, kung saan ang bawat isa ay may sampung miyembro.

Ang kompetisyon ay binubuo ng apat na yugto. Ang una ay ang Obstacle Course, ang ikalawa ay ang Drone Support to Search and Rescue Operation, ang ikatlo ay ang Tactical Identification of Target at  ang huli o ikaapat ay ang Drone Support to Tactical Operation.

Ang Drone Competition ay inilunsad ng NCRPO sa kautusan ng regional director nito na si PMGen Jose Melencio C. Nartatez bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na palakasin ang paglaban ng pulisya sa cybercrime.

Noon pa man, pagkaupo pa lang ni Nartatez bilang top cop ng Metro Manila, ay tumutok na na ang NCRPO regional director sa pagpapalakas ng kasanayan ng personnel nito sapagkat bahagi ng kanyang 7 points agenda ang kapakanan ng kanyang mga tauhan.

Para sa hepe ng NCRPO, kailangang tutukan ang kasanayan ng mga pulis sapagkat sa mga ito nakasalalay ang kaayusan at kapayapaan ng pamayanan. Napakalaki ng kanilang nasasakupan, napakarami ng taong kanilang pinaglilingkuran bukod pa sa ang mga opisina ng pamahalaan at maging ang ilang tanggapan na may kaugnayan sa ekonomiya ng bansa at maging ang ilang sentro ng international na tanggapan ay nasa NCR.

Dahil team effort ang pagtupad sa tungkulin at sa sama-samang pagtratrabaho nakasalalay ang tagumpay ng pulisya, kaya naman tutok si Nartatez sa training, seminar at iba pang pagsasanay para sa mga tauhan ng NCRPO na siyang naging daan kung bakit sa loob ng sampung buwang pamumuno sa pulisya ng Kamaynilaan ay anim na beses na silang nanguna o nag No. 1 sa Unit Performance Evaluation Rating o UPER.

Kaya naman, kapag kasanayan ang pag-uusapan, tiyak na hindi patatalo ang NCRPO. Sabi ng mga pulis na nakatalaga rito, Salamat sa RD nilang may malasakit sa kanyang mga tauhan pero napakahigpit sa mga malatubang pulis.