Home NATIONWIDE Bong Revilla naospital sa aksidente sa bagong pelikula

Bong Revilla naospital sa aksidente sa bagong pelikula

MANILA, Philippines – Naospital si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos magtamo ng injury habang ginagawa ang bagong pelikula nitong “Alyas Pogi.”

Sa Facebook livestream video nitong Martes ng gabi, Abril 16, sinabi ni Revilla na nagtamo siya ng bahagyang pagkapunit ng kanyang Achilles heel habang ginagawa ang isang running scene.

Inirekomenda ng doktor na operahan ito upang matugunan ang injury.

“Na-MRI na po ako kanina, and the doctor said my Achilles heel tear is at 50%, dahil sa pagtakbo… ang bilis ko raw tumakbo. Iyon mga, itong sinasabi na hindi na tayo bumabata, tumatanda na, but I am okay,” ayon kay Revilla.

Ani Revilla, ang insidente ay nangyari sa unang araw ng filming ng “Alyas Pogi” kasama ang mga aktor na sina Ara Mina at Epi Quizon.

“Medyo matagal-tagal… after ng operation, three to five months ang healing. Nakakainis. Medyo malungkot na balita, but I am okay. We will know by tomorrow [how the surgery will proceed]. Please pray for me,” sinabi ng senador.

“May mga pangyayari minsan na hindi mo maiwasan. Basta ang importante, ipagdasal niyo po na hindi naman grabe,” dagdag pa ni Revilla. RNT/JGC