Home NATIONWIDE Kamara ‘di naglabas ng special protocol plates No. 8

Kamara ‘di naglabas ng special protocol plates No. 8

MANILA, Philippines – Hindi naglabas ng kahit anong special protocol plates na may numerong “8” ang Kamara at ang mga sasakyan na makikitang may gamit nito ay ikinokonsiderang hindi lehitimo.

Sa pahayag ni House Secretary General Reginald Velasco, nananatiling tutol ang Kamara sa paggamit ng number “8” car plates at mayroon na itong kasunduan sa Metropolitan Manila Development Authority na hulihin ang mga drayber na gagamit nito.

“We urge all individuals to comply with the law and refrain from engaging in such activities. We expect all Members [of the House] to uphold the highest standards of integrity and adherence to the law,” dagdag pa niya.

Ito ay kasunod ng pagkakahuli ng sasakyan ni Senador Francis Escudero na may number “7” protocol plate para sa mga senador, matapos na dumaan sa EDSA busway noong Abril 11.

Nilinaw ni Escudero na wala siya sa loob ng sasakyan at sinabing ginamit ito ng “driver of a family member” nang mahuli ito sa busway.

Humingi ng tawad si Escudero sa insidente at ibinalik na ang No. 7 plate sa Senado. RNT/JGC