Home NATIONWIDE Libreng pagkuha ng birth certificate, clearances ng PWDs, single parents itinutulak sa...

Libreng pagkuha ng birth certificate, clearances ng PWDs, single parents itinutulak sa Kamara

MANILA, Philippines- Isang panukalang batas ang ihahain sa Kamara ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na naglalayong gawing libre ang pagkuha ng birth certificates at iba pang clearances para sa mga persons with disabilities (PWDs) at single parents na mag-aapply ng trabaho.

Kabilang sa nais ilibre ni Tulfo ay ang birth certificate; NBI (National Bureau of Investigation), police at barangay clearances at health certificate.

“Karamihan kasi sa PWDs may mga maintenance o therapy na binabayaran habang ang mga solo parents, mag-isa nilang pinapalaki ang anak nila. Any savings para sa kanila ay malaking tulong habang naghahanap sila ng employment,” paliwanag ni Tulfo.

Mayroong kasalukuyang batas na libre para sa mga PWDs, solo parents at mga bagong graduate ang pagkuha ng nabanggit na mga rekisitos subalit ito ay para lamang sa first-time job. Sa panukalang ihahain ni Tulfo, tuwing kukuha ng requirements ang WDs at solo parents na gagamitin sa kanilang paghahanap ng trabaho ay gagawin na itong libre. Gail Mendoza